BULACAN – Isang 75-anyos na lola at kanyang dalawang apo ang namatay makaraang masunog ang kanilang bahay at nadiskubre ang bangkay ng mga ito na magkakayakap sa loob ng palikuran sa Barangay Lapnit, sa bayan ng San Ildefonso sa lalawigang ito, noong Martes.
Kinilala ng San Ildefonso Fire Station ang mga biktimang si Zenaida Ferena at kanyang dalawang apong sina Donalyn,12-anyos at Zapea, 6-anyos, pawang residente sa Barangay Lapnit sa nabanggit na bayan.
Ayon sa imbestigasyon, pasado alas-12:00 ng madaling araw noong Martes nang makatanggap ng impormasyon ang fire station ng nasabing bayan hinggil sa nangyayaring sunog sa Barangay Lapnit kaya kaagad silang nagresponde at mabilis namang naapula ang apoy makaraan ang isang oras.
Pagkaraan ay nadiskubre ang matandang biktima at ang kanyang dalawang apo na natusta habang magkakayakap sa loob ng kanilang palikuran.
Patuloy pang iniiimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang mabatid ang posibleng naging sanhi ng sunod. (GINA BORLONGAN)
161