LAGUNA – Limang plastic na naglalaman ng pinagpira-pirasong bangkay ng isang lalaki ang natagpuan sa bahagi ng Mt. Makiling noong Martes ng umaga.
Ayon kay Lt. Col. Chitadel Gaoiran, nadiskubre ng dalawang residente na nangunguha ng mga halaman, ang mga plastic na ibinalot sa tape sa Jamboree Site sakop ng Barangay Batong Malake, Los Baños, mag-alas-9:00 ng umaga.
Unang inakalang mga basura ang laman ng mga plastic ngunit laking gulat nila nang tumambad sa kanila ang putol-putol na katawan ng isang lalaki.
Ayon kay P/SSgt. Alvin Jade Apolinario, posibleng madaling araw itinapon sa lugar ang bangkay.
Aniya pa, buo pa ang ulo ng biktima na pinutol sa may bahaging leeg at base sa hitsura ay posibleng isa itong Chinese national.
Isinailalim na sa pagsusuri ng SOCO ang biktima at inaalam ang pagkakakilanlan nito. (NILOU DEL CARMEN)
