MAKATUTULONG ba talaga ang Highway Patrol Group (HPG) sa paglutas sa napakalupit na trapik sa Metro Manila?
Sumulpot ang nasabing tanong makaraang tiyakin ng pamunuan ng HPG sa National Capital Region (NCR) kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na maglalagay ng 180 HPG cops sa NCR.
Siniguro ni Lt. Col. Joshua Alejandro kay Abalos ang 180 HPG cops mula sa HPG-NCR makaraang humingi ng suporta ang bagong pinuno ng MMDA sa nasabing yunit ng Philippine National Police (PNP).
Bukod sa 180 pulis, plano rin ni Abalos na dagdagan pa ang bilang ng MMDA traffic enforcers upang maibsan ang napakalalang trapik sa maraming bahagi ng Metro Manila.
Sa panahon ni Danny Lim, dalawang ulit na rin sumuporta ang HPG sa MMDA upang malutas ang suliranin sa trapik.
Ngunit, wala ring nangyari sa pagsasanib-puwersa ng MMDA at HPG laban sa trapik.
Napansin ng mga motorista at mananakay na maraming HPG cops ang hindi seryoso sa trabagong magmando sa daloy ng mga nakapilang sasakyan sa Epifanio delos Santos Avenue at Commonwealth Avenue. (NELSON S. BADILLA)
161
