REKLAMO, QUO WARRANTO ISINAMPA VS TEODORO

PORMAL na naghain ang grupong pinamumunuan ni Atty. Russel Miraflor ng dalawang magkaugnay na legal na hakbang upang maberipika ang mga rekord ng pagkamamamayan at legal na kwalipikasyon ni Defense Secretary Gilberto Eduardo Gerardo Cojuangco Teodoro Jr.

Ayon sa mga complainant, ang mga usaping may kaugnayan sa citizenship, passport declarations at pagiging kwalipikado sa mataas na posisyon sa pamahalaan ay dapat maresolba sa pamamagitan ng dokumentaryong ebidensya at legal na proseso, hindi sa pulitika.

Una nilang inihain ang Joint Complaint-Affidavit sa Office of the City Prosecutor ng Pasay City na humihiling ng case build-up at preliminary investigation kaugnay ng mga posibleng paglabag sa batas, kabilang ang umano’y maling deklarasyon sa aplikasyon ng Philippine passport, falsification of public documents at perjury kung mapatutunayan sa mga opisyal na rekord ng gobyerno.

Kasabay nito, naghain din sila ng Verified Letter-Complaint and Request for Quo Warranto Evaluation sa Office of the Solicitor General (OSG) upang alamin kung may sapat na basehan para magsampa ng quo warranto petition laban kay Teodoro kaugnay ng kanyang kwalipikasyon bilang Kalihim ng Tanggulang Pambansa.

Binigyang-diin ni Miraflor na hindi layunin ng mga reklamo na agad hatulan ang kalihim kundi magkaroon ng patas at nakabatay sa ebidensyang pagsusuri sa mga opisyal na rekord.

“Hindi ito pampulitikang paratang. Ito ay panawagan para sa legal, patas, at opisyal na beripikasyon,” ayon sa mga complainant.

Nakasentro ang reklamo sa mga dokumentong umano’y nagpapakita na nagkaroon si Teodoro ng Maltese passport na may bisa mula Disyembre 22, 2016 hanggang Disyembre 22, 2026 at kalaunan ay nag-apply o nag-renew ng Philippine passport noong Marso 2017.

Ayon sa grupo, dapat masuri kung ang mga deklarasyon kaugnay ng Philippine citizenship, foreign citizenship, dual citizenship at foreign passport status ay naaayon sa umiiral na batas.

Binanggit din nila ang mga rekord kaugnay ng Philippine Passport No. P2337396A at mga travel records ng Bureau of Immigration na nagpapakitang gumamit umano si Teodoro ng Philippine passport sa mga biyahe sa ibang bansa mula 2016 hanggang 2021.

Hinihiling din ng mga complainant ang beripikasyon ng anomang dokumento hinggil sa retention o reacquisition ng Philippine citizenship sa ilalim ng Republic Act No. 9225, kabilang ang oath of allegiance, approval orders, identification certificates, renunciation of foreign allegiance at iba pang kaugnay na rekord.

Iginiit nila na mas mahalagang maberipika ang usapin dahil hawak ni Teodoro ang sensitibong posisyon bilang Kalihim ng Tanggulang Pambansa na nangangasiwa sa pambansang depensa, seguridad at proteksyon ng Republika.

Kabilang sa mga posibleng paglabag na binanggit sa reklamong inihain sa Pasay City Prosecutor’s Office ang Section 10(b) ng Republic Act No. 8239 o Philippine Passport Act of 1996, Article 172 kaugnay ng Article 171 ng Revised Penal Code hinggil sa falsification of public documents at Article 183 ng Revised Penal Code tungkol sa perjury.

Samantala, hinihiling naman sa OSG na suriin kung sapat ang mga umiiral na katotohanan at opisyal na rekord upang suportahan ang quo warranto proceeding na maaaring kumuwestiyon sa legal na batayan ng panunungkulan ni Teodoro.

Giit ng mga complainant, hindi dapat resolbahin ang usapin sa pamamagitan ng public relations campaigns, komentaryong pampulitika o haka-haka kundi sa pamamagitan ng opisyal na pagsusuri at beripikasyon ng mga rekord ng pamahalaan.

(JOEL O. AMONGO)

57

Related posts

Leave a Comment