3 SA BAWAT 10 PINOY DUMARANAS NG GUTOM

TATLO sa bawat sampung Pilipino ang walang sapat at maaasahang access sa ligtas at masustansyang pagkain, ayon sa pag-aaral ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).

Batay sa 2025 Updating of the Nutritional Status of Filipino Children and Other Population Groups, umabot sa 32.6 porsyento ang moderate to severe food insecurity noong 2025, bahagyang mas mababa kumpara sa 33 porsiyentong naitala noong 2023.

Naitala ang pinakamataas na antas ng food insecurity sa ilang bahagi ng Mindanao, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na may 60.4 porsyento, sinundan ng SOCCSKSARGEN na may 44 porsiyento at Eastern Visayas na may 43.8 porsiyento.

Isinasagawa ang naturang survey kada dalawa hanggang tatlong taon bilang bahagi ng pagsubaybay sa mga layunin ng bansa para sa nutrisyon at kalusugan.

Lumitaw din na mas laganap ang food insecurity sa mga pamilyang may mahigit limang miyembro, mga residente sa kanayunan at mga pinakamahihirap na komunidad.

Ayon sa pag-aaral, 2.9 porsiyento ng mga Pilipino ang nakararanas ng severe food insecurity o hindi nakakakain sa loob ng isang araw o higit pa. Samantala, ang moderate food insecurity ay tumutukoy sa limitadong access sa pagkain at paminsan-minsang paglaktaw ng pagkain.

Upang matugunan ang pangangailangan sa pagkain, 64.9 porsiyento ng mga apektadong Pinoy ang bumibili ng pagkain sa pamamagitan ng pangungutang, habang 59 porsiyento naman ang nagtatanim o nangangalap ng sariling pagkain.

Kabilang din sa mga karaniwang paraan ng pagharap sa kakulangan ng pagkain ang panghihiram ng pagkain sa kamag-anak o kaibigan (56.5%), pangangalap ng pagkain sa paligid (46.4%), at paghingi ng pagkain sa mga kamag-anak o kaibigan (43.1%).

Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., mahalagang matugunan ang kahirapan at mapalakas ang kabuhayan upang mapabuti ang food security sa bansa.

“I think beyond feeding, yung livelihood talaga ang kailangan nating palaguin,” ani Solidum.

Samantala, sinabi ni DOST-FNRI chief science research specialist Mildred Guirindola na kalahati ng mga kaso ng food insecurity ay matatagpuan sa urban areas kaya mahalagang mapalawak ang kaalaman sa wastong nutrisyon at access sa masustansyang pagkain.

Sa mga non-food coping strategies naman, nanguna ang pangungutang sa kamag-anak sa 68.6 porsiyento, sinundan ng paghahanap ng sideline o karagdagang trabaho (64%), pangungutang sa kaibigan (48.3%), paghingi ng pinansyal na tulong sa kamag-anak o kaibigan (39.2%), at paglipat ng lugar upang maghanap ng trabaho (27.1%).

(JESSE RUIZ)

58

Related posts

Leave a Comment