WALA pang natatanggap na opisyal na komunikasyon ang Department of Justice (DOJ) mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng napaulat na warrant of arrest laban kay Senador Christopher “Bong” Go.
Ito ang kinumpirma ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez matapos kumalat ang ulat na naglabas na umano ng arrest warrant ang ICC laban sa senador.
“We confirm that we have not received any official communication from the ICC regarding the alleged issuance of a warrant of arrest against Sen. Bong Go,” ani Martinez.
Ayon sa DOJ, kinumpirma rin nila sa Philippine Center on Transnational Crime nitong Huwebes ng umaga na wala pang natatanggap na anumang abiso hinggil sa naturang usapin.
Naglabas ng pahayag ang DOJ matapos sabihin ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na mayroon nang warrant of arrest mula sa ICC laban kay Go at dalawa pang dating opisyal ng pulisya.
Ayon kay Pulong, ang impormasyon ay nagmula sa isang “highly reliable source.”
May kaugnayan ang isyu sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kung saan nagsilbing Special Assistant to the President (SAP) si Go.
Samantala, nilinaw ni Philippine National Police chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na wala silang inilabas na espesyal na direktiba para bantayan ang mga personalidad na iniuugnay sa umano’y bagong ICC warrants.
Aniya, wala pang natatanggap na opisyal na komunikasyon, dokumento o kautusan ang PNP mula sa alinmang ahensya ng gobyerno kaugnay ng mga ulat.
Dahil dito, sinabi ni Nartatez na wala ring utos sa mga police unit na mag-monitor o mag-track ng sinumang indibidwal.
Sa halip, pinaalalahanan niya ang lahat ng pulis na mahigpit na sumunod sa umiiral na batas, due process at mga legal na proseso habang pinananatili ang propesyonalismo at pagiging neutral ng institusyon.
(JULIET PACOT/TOTO NABAJA)
62 