6 PRESO SA ANGELES NALASON SA MANOK *2 inmates sa Laguna namatay

ANGELES City – Anim na preso ang isinugod sa pagamutan sa lungsod na ito makaraang mabiktima ng food poisoning noong Martes.

Ayon sa ulat, dakong tanghali nang dalhin sa ospital ang anim na ‘persons under police custody’ ng Angeles City Police Station 3 dahil sa pagkakalason umano sa kinaing manok na dala ng bisita ng isa sa kanila.

Ayon kay Police Col. Rommel Batangan, officer-in-charge ng Angeles City Police Office, dumaing ang mga biktima ng pagkahilo at pananakit ng tiyan na may kasabay na pagsusuka at pagtatae makaraang kumain.

Pagdating sa Ospital ng Angeles City, lumabas sa pagsusuri sa mga preso na dumanas ang mga ito ng acute gastroenteritis dulot ng kontaminadong pagkain.

Kasalukyang pang ino-obserbahan ang mga preso na umano’y nagpapakita na pagbabago sa kanilang mga nararamdaman.

Hindi naman umano grabe ang kalagayan ng mga biktima kaya agad ibinalik sa piitan matapos mabigyan ng paunang lunas.

Samantala sa Laguna, dalawang inmates sa Biñan City Police Station custodial facility ang magkasunod na pumanaw sa kanilang selda noong Martes ng umaga.

Unang isinugod sa Ospital ng Biñan si Dominador Martinez nang mahirapang huminga at mag-collapse sa selda dakong alas-5:30 ng umaga.

Idineklara itong dead on arrival sa ospital at ayon sa doktor ay sepsis ang ikinamatay nito.

Isinailalim ang labi ni Martinez sa swab test dahil sa suspetsang infected ito ng COVID-19 virus at agad ipina-cremate bilang pagsunod sa memorandum ng Department of Health at ng Inter-Agency Task Force.

Dakong alas 8:00 naman ng umaga nang makaramdam ng paninikip ng dibdib habang nasa selda ang inmate na si Jayson Toledo.

Agad din itong isugod sa kaparehong ospital ngunit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.

Ayon sa doctor, cardiac arrest ang sanhi ng pagkamatay nito. ((JESSE KABEL/NILOU DEL CARMEN)

 

161

Related posts

Leave a Comment