(NELSON S. BADILLA)
MISTULANG natameme ang Department of Agriculture (DA) sa pagkakaisang ginawa ng mga negosyante ng baboy at manok nang marakating sa tanggapan ni Secretary William Dar na malaganap ang pork holiday.
Ito’y dahil hindi raw inaasahan ng DA ang pork holiday.
Simula kahapon ay maraming palengke ang walang tindang baboy at manok dahil itinuloy ng mga negosyante ang “pork holiday”.
Ang pork holiday ang itinapat ng mga negosyante ng baboy at manok sa unang araw ng implementasyon ng Executive Order 124 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2.
Ayon sa mga manininda ng baboy at manok sa maraming palengke sa Metro Manila, tulad ng pangulo ng mga magbababoy sa Pasig Mega – Market na si Benjamin Viray ay walang dumating na produktong ibebenta nila dahil siguradong lugi sila sa presyong itinakda ni Duterte.
Maging ang mga negosyante ng baboy at manok sa mga palengke ng Balintawak, Nepa Q-Mart, Kamuning, Commonwealth Avenue, Pasay, Maynila at iba pa ay kaparehas ni Viray ang reklamo laban sa EO 124.
Nakasaad sa EO 124 na P300 ang bawat kilo ng liempo, P270 ang kasim at pige, habang P160 ang bawat kilo ng dressed chicken.
Idiniin ni Viray na bagsak na bagsak ang kanilang negosyo kung susundin at ipatutupad nila ang utos ni Duterte na tatagal ng 60 araw.
Sa pamamagitan ng tagapagsalita ng DA na si Assistant Secretary Noel Reyes, ‘pasukong’ inihayag nito na hindi pupuwersahin ng DA ang mga negosyante na magtinda ng baboy at manok kung malulugi sila.
Matatandaang si Dar mismo ang humiling kay Duterte na patigilin ang walang hintong pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ang baboy na umabot sa P450 kada kilo at manok na naging halos P200 bawat kilo.
Ngunit, si Dar naman ang humarang sa implementasyon nito ilang oras makaraang ilabas ni Duterte ang EO 124 noong Pebrero 2.
Ani Dar, bibigyan ng DA ng “sapat na panahon” ang mga manininda upang maging handa sa presyo ng baboy at manok na itinakda ni Duterte.
Nang masimulan naman kahapon ang pagpapatupad ng price cap, tiniyak ni Reyes na hindi papatawan ng DA ng parusa ang mga maninindang lumahok sa pork holiday dahil kauna-unawa ang kanilang himutok sa administrasyon sa unang araw ng implementasyon ng EO 124.
Sa halip, tutulungan pa raw ng administrasyon ang mga manininda sa kanilang pagnenegosyo.
Ani Reyes, inasahan kahapon ang pagdating ng mga baboy at manok mula sa Batangas, Oriental Mindoro, Iloilo at mga lalawigan sa Mindanao.
Ibinulalas pa ni Reyes na tiyak na hindi mataas ang presyo ng mga baboy at manok dahil ‘kargo’ na ng administrasyon ang badyet sa transportasyon ng mga nasabing produkto.
Dahil dito, inaasahang magkakaroon na ng mga tindang baboy at manok sa mga palengke sa Metro Manila sa susunod na mga araw.
Pinahupa at pinakalma naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ang ‘nagagalit na damdamin’ ng maliliit na negosyante ng baboy at manok, sa pamamagitan ng pagdidiin na “pansamantala” lamang ang EO 124.
Inanunsiyo naman ng acting director general ng National Economic and Development Authority (NEDA) na si Karl Kendrick Chua na tuloy ang maramihang pag-angkat ng mga produktong pagkain, tulad ng baboy at manok, upang “matiyak” na mababawasan ang presyo ng mga produktong lokal.
Ani Chua, nagsumite na ng petisyon ang NEDA sa Tariff Commission (TC) upang payagan ng huli na dagdagan ang minimum access volume (MAV) at taripa ng mga produktong aangkatin ng mga negosyanteng Piipino mula sa mga dayuhang kapitalista.
Hindi inilabas ni Chua sa media ang detalye ng plano ng NEDA.
APELA NG PALASYO
Kaugnay nito, umapela ang Malakanyang sa mga vendor sa Metro Manila na nakiisa sa pork holiday dahil sa pangamba na mabangkarote sa gitna ng ipinatupad na price freeze ng pamahalaan na ipagpatuloy na ang kanilang pagtitinda.
Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, ang tulong ng pamahalaan ay sapat na para maka-survive ang mga ito.
“May mga grupo na nag-declare ng pork holiday, meron rin pong nanawagan ng pagkain ng alternative protein sources. Sinusuportahan po natin iyong panawagan for consuming alternative protein sources, pero nakikiusap po kami sa mga nagtitinda ng baboy na ipagpatuloy niyo po ang pagtitinda,” ayon kay Sec. Roque.
“The government will source pork from areas not hit by the ASF, and pointed out that South Cotabato-based culling groups can supply 10,000 heads of hogs weekly for Metro Manila alone.
Gobyerno na po ang magpapakalat nito sa merkado,” ayon kay Sec.Roque.
Aniya, ang farmgate price ng baboy ay P145 per kilo at ang transportation subsidy para sa supply ng baboy na magmumula sa rehiyon ng Mindanao, Visayas at lalawigan ng Luzon ay P21, P15 at 10.
Nauna rito, nagkaisa namang sinabi ng mga pork vendor na ang price cap ang nagtulak sa kanila para magsagawa ng pork holiday. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
318
