(BERNARD TAGUINOD)
MISTULANG umiwas nang sumugal si House Speaker Lord Allan Velasco sa panibagong prangkisa ng ABS-CBN Corporation matapos magalit si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa statement na inilabas ni Velasco, sinabi nito na ipauubaya na lamang sa susunod na Kongreso o sa 19th Congress ang pagtalakay sa panibagong prangkisa ng nasabing network.
“Calls to revive the franchise of ABS-CBN will have to wait until the next Congress,” ani Velasco na maitataon sa administrasyon ng papalit kay Pangulong Duterte.
“With a little over a year until the 2022 elections, the House of Representatives is bent on finishing the remaining priority measures of this Administration to ensure that President Rodrigo Roa Duterte fulfills his campaign promise to the Filipino people,” ani Velasco.
Ikinatuwiran ni Velasco na mas maraming priority bills na kailangang maipasa sa lalong madaling panahon tulad ng Bayanihan 3 upang makawala na umano ang bansa sa pandemya at maiangat ang ekonomiya ng bansa.
Inilabas ni Velasco ang pahayag, apat na araw pagkatapos sabihin ni Pangulong Rodrigo na haharangin nito ang bagong prangkisa ng ABS-CBN at nagalit din ito sa Kongreso dahil itinigil ang imbestigasyon sa P1.6 billion utang ng pamilya Lopez sa Development Bank of the Philippines (DBP) na hindi pinabayaran sa mga ito. Nauna nang sinabi na ipauubaya na lang ng Kamara sa Office of the Ombudsman ang nasabing usapin.
Noong Enero 15, inihain ni Deputy Speaker Vilma Santos-Recto ang House Bill (HB) 8298 para sa panibagong prangkisa ng ABS-CBN matapos itong ibasura ng House committee on legislative franchises noong Hulyo 10, 2020 sa botong 70 pabor at 11 kontra.
Tanging si Santos-Recto ang naghain muli ng panukala mula sa 12 congressmen na unang nagtulak para sa panibagong prangkisa ng ABS-CBN.
194 