IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipagpaliban ang implementasyon ng RA11229 o ang Child Safey in Motor Vehicles Act.
Ipinag-utos din ng pangulo na huwag gawing mandatory ang Motor Vehicle Inspection System (MVIS).
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na nagdesisyon na ang pangulo na ipagpaliban ang pagpapatupad ng Child Car Seat Law samantalang hindi na mandatory ang MVIS na ang ibig sabihin aniya ay kinakailangan na walang karagdagang singil para sa pagpaparehistro ng mga sasakyan.
Nauna rito, nagpahayag naman ng pagkabahala si Senador Bong Go sa pagpapatupad ng Private Motor Vehicle Inspection Center Program at bagong MVIS ng LTO.
Sinabi ni Go na bagama’t naniniwala siya na malinis ang intensyon ng mga inisyatibong ito ay nakababahala na subukan itong gawin ngayon sa panahong hirap na hirap na ang mamamayang Pilipino.
Kabilang aniya sa mga suliranin na kailangan munang malampasan ay ang pagtaas ng bilang ng nagugutom, pagkawala ng kabuhayan ng nakararami at ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa bansa. (CHRISTIAN DALE)
166 