4 DINAKMA SA TUPADA

NAGPULASAN ang mga sabungero nang salakayin ng mga tauhan ng Manila Police District ang isinasagawang tupada sa isang abandonadong bahay ngunit apat sa mga ito ang nadakma sa Tondo, Manila noong Linggo ng tanghali.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Degree (PD) 1602 na inamiyendahan sa Republic Act 9287 (illegal gambling) ang mga nahuli na sina Richiemon Aban, 32, security Guard; Leodefaio Arboleda, 41, vendor; Reggie Gabon, 27, estibador, at isang Jaymark Pasco, 25, vendor, pawang mga residente sa Parola Compound, Tondo.

Base sa ulat ni P/Lt. Cristobal Duque na isinumite kay P/ Lt. Col. Cenon Vargas Jr., station commander ng Manila Police District-Station 12, bandang alas-11:15 ng tanghali nang salakayin ng mga awtoridad ang nangyayaring tupada sa Area 1, Gate 1 sa Barangay 20 sa Parola Compound sa Tondo.

Nabatid sa report ng pulisya, nakatanggap umano ng tawag sa telepono ang presinto mula sa isang concern citizen at ini-report ang umano’y ilegal na sabong sa naturang lugar.

Agad namang bumuo ng team si Lt. Duque ayon sa utos ni Vargas, at isinagawa ang pagsalakay sa lugar.

“May mga look-out kasi ‘yung nagpapasabong kaya papalapit pa lamang kami nang magpulasan, apat lang ang nadakma namin,” pahayag ng isa sa mga tauhan ni Vargas.

Ayon sa team leader, dalawang manok na panabong na may tari ang nakuha nila sa nasabing pagsalakay, na gagamitin bilang ebidensiya sa kaso. (RENE CRISOSTOMO)

370

Related posts

Leave a Comment