(BERNARD TAGUINOD)
NABAON na sa utang ang gobyerno dahil sa COVID-19 response subalit hanggang ngayon ay hindi pa nararamdaman ng publiko ang mga inutang na ito ng pamahalaang Duterte.
Ito ang pahayag ni House deputy minority leader Carlos Zarate dahil hanggang ngayon ay wala pang aktuwal na bakunang dumating sa bansa kahit napakarami na aniyang inutang ng pamahalaan.
“Muli ang ating panawagan sa pamahalaan Duterte. Napakarami na ang inutang ninyo. Dapat mararamdaman na ng mamamayan ang kagyat na tugon para bumalik tayo, makabangon ang ating ekonomiya,” ayon sa mambabatas.
Base sa mga report, umakyat na sa P10.13 Trillion ang naitalang utang ng Pilipinas hanggang noong Nobyembre 2020 mula sa P7.71 trillion ng kaparehong buwan noong 2019.
Posibleng lumobo pa umano ang utang na ito sa P11.98 Trillion ngayong 2021 at pinangangambahang aabot ng hanggang P13.7 billion bago bumaba sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Kabilang sa inutang ng gobyerno ang P386.6 billion para sa COVID-19 response at madaragdagan pa ito dahil uutangin din ang P70 billion na ipambibili ng COVID-19 vaccines.
Gayunpaman, sinabi ng mambabatas na kahit nabaon nang husto ang Pilipinas sa utang ay hindi pa rin nakakawala ang mga Pilipino sa pandemya o hindi naramdaman ang mga utang na ito.
Sinabi naman ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na ang Pilipinas na ang may pinakamatagal na quarantine period sa mundo subalit wala pa ring epekto ang pagsasakripisyo ng mga tao dahil patuloy ang pagdami ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Lalong hahaba pa aniya ang problemang ito ng mamamayang Pilipino dahil hanggang ngayon ay wala pang nabibiling bakuna ang gobyerno gayung nagsimula na ang ibang bansa tulad ng Bangladesh sa pagbabakuna ng kanilang mamamayan.
“Lost na lost si Pangulong Duterte sa usapin ng bakuna. Ngayon tinatanong pa rin natin nasaan ang pandemic exit plan ng gobyerno sa kabila ng sangkakutak na utang para umano sa pagbabakuna na hanggang ngayon ay hindi pa rin makita ang direksyon,” ani Brosas.
144
