SINILBIHAN ng warrant of arrest noong Huwebes ng hapon ng mga awtoridad ang isang 27-anyos na driver na nakakulong dahil sa illegal na droga, sa loob ng Manila City Jail sa Quezon Boulevard, Sta. Cruz, Manila, dahil sa kasong carnapping.
Bukod sa kasong paglabag sa Republic Acts 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), nahaharap din ang preso na si Gaydel Gayola y PeΓ±aranda, binata, residente sa Building 25, Unit 510, Permanent Housing, Brgy, 128, Zone 10, Tondo, sa kasong carnapping.
Batay sa ulat ni P/Major Cicero Pura, hepe ng District Special Operation Unit ng Manila Police District, bandang alas-3:00 ng hapon nang magtungo sila sa Manila City Jail, bitbit ang arrest warrant na inisyu noong Pebrero 5 ni Hon. Eduardo Ramon Roldan Reyes, presiding judge ng Manila Regional Trial Court Branch 15.
Kasama ni Major Pura ang kanyang deputy chief na si P/Capt. Jervies Soriano at ilang mga tauhan sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa suspek.
Sa kasong carnapping ay inirekomenda ng korte ang P300,000 piyansa para sa suspek. (RENE CRISOSTOMO)
173 