MANGINGISDA INATADO SA ONE-ON-ONE TAGAYAN

QUEZON – Patay ang isang mangingisda makaraan umanong tadtarin ng saksak at taga ng kanyang kainuman sa bayan ng Atimonan sa lalawigang ito.

Laking gulat ng mga residente nang matagpuan noong Huwebes ng umaga ang bangkay ng biktimang si Guillermo Cepe Mora, 39, na halos wala nang suot na damit at duguan dahil sa mga taga at saksak sa katawan habang nakabulagta sa dalampasigan ng Barangay Villa Ilaya sa nasabing bayan.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, Miyerkoles ng maghahating-gabi nang mag-inuman ang biktima at ang suspek na si Vevencio Aurellana Barreno, 35-anyos, chainsaw operator, sa bahay ng huli.

Ngunit dahil sa kalasingan, nagkainitan ang dalawa hanggang sa kumuha ng itak ang suspek at inundayan ng taga at saksak ang biktima.

Hindi pa nasiyahaan, kinaladkad pa nito palabas ang biktima at saka muling pinagtataga sa dalampasigan, 30 metro ang layo sa bahay.

Sa takot sa nasaksihang pangyayari, umalis sa kanilang bahay ang asawa at mga anak ng suspek.

Tumakas din ang suspek na ngayon ay pinaghahanap ng mga awtoridad. (NILOU DEL CARMEN)

196

Related posts

Leave a Comment