TINAGURIANG pandemic hero ang isang transgender woman mula sa Calamba, Laguna dahil sa kanyang mga pagkakawanggawa bago pa man pumutok ang pandemya sa COVID-19.
Nang mag-alburoto ang Bulkang Taal noong isang taon, marami ang lumapit kay Nancy Dimaranan at nagpasaklolo.
Makaraan ang ilang linggo, dumating sa bansa ang corona virus 2019 o COVID-19. Nagdulot ito ng pagsasara ng maraming negosyo at kawalan ng trabaho dahilan para lalong maghirap ang maraming mamamayan. Hindi naman nagkait ng tulong si Nancy kaya namigay siya ng pagkain at tulong pinansyal.
Tinulungan din niyang makauwi sa Bicol ang halos 300 stranded sa bus terminal sa Turbina.
Dito siya inumpisahang tawaging “Pandemic Hero” at nakilala rin sa social media.
Pag-amin ni Nancy, dating Rodrigo Dimaranan, ang kanyang pagtulong ay hindi ikinatutuwa bagkus ay iniintriga ng iba. Sa kabila nito, desidido siyang ituloy ang panibagong misyon sa buhay kaya plano niyang itayo ang foundation na kukupkop sa matatanda, LGBT, kababaihan at kabataan na walang tahanan. Tatawagin itong Pandemic Hero Foundation Inc. (CYRILL QUILO)
