KOREAN SWINDLER HULI SA PAMPANGA

ARESTADO sa mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean na puganteng wanted sa mga awtoridad sa Seoul dahil sa swindling at pandaraya sa kanyang dalawang kababayan, ng malaking halaga ng pera.

Ayon sa report mula kay BI FSU Chief Bobby Raquepo kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang suspek na si Lee Beomseok, 42, ay naaresto noong Huwebes sa isang restaurant sa Angeles City, Pampanga, ng mga elemento mula sa BI’s Fugitive Search Unit (FSU).

Sinabi ni Morente, inisyu niya ang mission order para sa pag-aresto kay Lee at dahil sa kahilingan ng South Korean authorities sa Manila na nagbigay ng impormasyon sa BI na ang dayuhan ay subject ng criminal investigation dahil sa panloloko sa kanilang bansa.

Si Lee ay pakay rin ng Interpol Blue notice na inisyu noong noong Marso ng nakaraang taon at ito ay undocumented alien dahil sa revocation ng Korean government sa kanyang passport.

Ang Koreano ay kasalukuyang nakakulong sa BI detention facility sa Bicutan, Taguig City habang nakabinbin ang implementasyon ng order para sa kanyang deportasyon, mula sa bureau’s Board of Commissioners.

“He will be placed in the immigration blacklist and banned from re-entering the Philippines,” ani Morente.

Base sa records ng BI, lumalabas na noong September 2013, si Lee ay nakakuha ng 25 million won, o katumbas ng US$22,000, sa kanyang unang biktima matapos mahimok na magpahiram ng pera para sa kanyang umano’y restaurant business.

Sa kasunod na taon, si Lee ay napaulat na muling nakaaakit ng panibagong biktima at nakakuha ng kabuuang 280 million won, o halos katumbas ng US$248,000. Ang nasabing biktima ay maraming beses umanong nag-transfer ng pera sa kanyang bank account. (JOEL O. AMONGO)

82

Related posts

Leave a Comment