DAVAO DE ORO – Nalibing nang buhay ang isang 70-anyos na lola nang matabunan ng lupa kasunod ng landslide noong Lunes ng hapon sa bayan ng Monkayo sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), kinilala ang biktimang si Rizalda Matambonoy.
Bukod sa 70-anyos na biktima ay may naitala pang dalawang sugatan sa insidente.
Nabatid sa MDRRMO officer na si Alicia Cabunoc, nito lamang Martes ng umaga narekober ang bangkay ni Matambonoy.
Posible umanong naging sanhi ng landslide ang malakas na pag-ulan dulot ng nagdaang bagyo at ang isinasagawang road construction sa lugar.
Nangyari ang pagguho ng lupa sa Purok 22, Barangay Mt. Diwalwal sa bayan ng Monkayo.
Samantala, kasalukuyan pang ilalapatan ng lunas sa pagamutan ang dalawang residenteng nasugatan sa landslide, ayon kay Cabunoc. (JESSE KABEL)
151
