RAPE SUSPECT, 6 PA TIMBOG SA PNP-AKG

EKSAKTONG isang taon makaraan ang panghahalay sa stepdaughter ng kapatid, natunton at nadakip ang suspek ng mga tauhan ni PNP – Anti-Kidnapping Group director, P/BGen. Jonnel C. Estomo noong Lunes ng hapon, Marso 1, sa Pasig City.

Ayon sa isinumiteng ulat kay P/BGen. Estomo, bandang alas-2:30 ng hapon nang madakip ng mga operatiba ng PNP-AKG IRAD, sa pamumuno ni P/Col. Edward Cutiyog, ang suspek na kinilalang si Edward Diaz Lising sa pinagtataguan nito sa #88 Dr. Pilapil St., Brgy. Sagad, Pasig City.

Si Lising ay pakay ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Carmencita V.P. Lacandazo-Logan, sa kasong rape (RA 8353 Anti-Rape Law of 1997) in relation to Sec 5(a) of RA 8369, dahil sa panggagahasa sa pamangkin noong Marso 1, 2020.

Ayon kay PNP-AKG Public Information Office chief, P/Lt. Col. Ronaldo Lumactod, bukod kay Lising, nahuli rin makaraan ang intelligence and surveillance operation, ang anim pang wanted personalities na may kasong murder, illegal drugs, carnapping at homicide sa one-time big-time operation.

Nadakip sa Antipolo City ang isa sa topmost wanted criminals, na kinilalang si Leandro Santos y Santos sa Brgy. Mayamot, ng mga elemento ng PNP-AKG Investigation Case Monitoring Division, sa pamumuno ni P/Lt. Maleo David V. Manzano.

Ang no. 1 most wanted person naman ng bayan ng Talolora, Northern Samar na si Raul Conde Guevarras ay dinakip ng PNP-AKG Visayas Field Unit, sa pamumuno ni P/Col. Salvador T. Alacyang, sa Blk. 28, Lot 19, Erica Louis Village, Malainin Bago, Naic, Cavite, makaraan ang 21 taong pagtatago, sa kasong murder dahil sa pagpatay kay Arsenio Mislos, Jr. noong Agosto 27, 2000 sa Brgy. II Poblacion, Talolora, Northern Samar.

Isa pang suspek na may kasong murder na kinilalang si Renan Malayo Aguhob, ang nadakip ng mga tauhan ni PNP-AKG Mindanao Field Unit chief, P/Col. Clarence C. Gomeyac, sa Sitio Vilma, Brgy. Prencisa Frishia, Sergio Osmeña, Zamboanga Del Norte.

Si Aguhob ay itinuturing na no. 3 most wanted person ng bayan ng Sergio Osmeña dahil pagpatay kay Carmilo Ori sa Purok 2, Brgy. Precisa Frishia, Sergio Osmeña, Zamboanga Del Norte noong Hunyo 25, 2020.

Samantala, sa Butuan Bus Terminal, sa Brgy. Langham, Butuan City, Agusan Del Norte, nadakip ng mga operatiba ng PNP-AKG Visayas Field Unit si Florentino Sevilla Batolanon Jr. dahil sa kasong paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Anti-Child abuse).

Ang suspek naman na si Arnold Acbang y Busilig, nakatala bilang top 10 most wanted person on provincial level ng Batangas, ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest sa kasong homicide, sa Pantamnan Resort sa Brgy. Danak, Bunga, Botolan, Zambales noong Marso 1.

Si Acbang ay nadakip ng joint operatives, sa ilalim ng direct supervision ni P/Col. Villaflor S. Bannawagan, chief ng LFU ng PNP-AKG, at ni P/Col. Romano V. Cardiño, police director ng Zambales PPO.

Ayon kay Lt. Col. Rannie Lumactod, naging matagumpay ang mga pagkilos ng PNP-AKG dahil sa pakikipagtulungan ng mamayan at matiyagang surveillance, monitoring and intelligence gatherings na susi sa pagtugis sa wanted criminals, base sa kautusan ni PNP chief, P/General Debold Sinas. (JESSE KABEL)

186

Related posts

Leave a Comment