KILALA tayong mga Pilipino sa ating katatagan sa pagharap sa mga krisis at delubyo. Ang ating natural na kakayahang ngumiti at tumawa sa kabila ng anumang ating pinagdaraanan ay isa sa mga ugaling hinahangaan sa atin ng ibang bansa. Ngayong pandemya na ang ating kinakaharap, nananatili tayong matatag at positibo.
Positibo hindi sa COVID-19 virus, kung hindi sa ating paniniwala na malalampasan natin ito at muling yayabong ating ekonomiya.
Mula nang balutin ng pandemya ang mundo, nakita natin ang pagtutulungan sa pagitan ng ating pribado at pang-publikong sektor upang malabanan ang matinding epekto ng pandemya. Malinaw na iisa lamang ang gusto ng lahat, at ito ay ang makabangong muli ang ating ekonomiya.
Ngayong dumating na ang unang batch ng dosis mula sa Sinovac na may kabuuang bilang na 600,000 at ang unang batch ng dosis mula sa AstraZeneca na may kabuuang bilang na 487,200, mas tumitindi ang aking paniniwala na nalalapit na rin ang pagtatapos ng pandemyang COVID-19.
Dapat tutukan ang seguridad ng mga bakuna, at masiguro ang epektibong sistema ng pamamahagi nito. Bilang tulong ay nagpahayag ng inisyatiba ang MetroPac Movers, Inc., ang kompanya ng logistics sa ilalim ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), ukol sa pansamantalang pagtatabi ng mga bakuna sa kanilang pasilidad upang masiguro ang seguridad ng mga ito.
Maituturing na isang makasaysayang kaganapan ang kauna-unahang pagtuturok ng bakuna kontra COVID-19 na naganap dito sa Pilipinas noong ika-1 ng Marso. Ito ay itinurok ng isang nars na nagngangalang Charleuck Santos kay Dr. Gerardo Legaspi, ang director ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (PGH). Ang PGH ay isa sa mga referral hospital para sa mga kaso ng COVID-19.
Bilang dagdag na suporta mula sa pribadong sektor, si MPIC Chairman Manuel V. Pangilinan, kasama ang iba pang malalaking negosyante sa bansa ay nangakong tutulong sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagbibigay ng dalawang milyong dosis ng bakuna mula sa AstraZeneca para sa mga frontliner.
Patuloy rin ang pagtulong ng Meralco sa laban kontra COVID-19. Sa kasalukuyan, umabot na sa higit 90 ang bilang ng mga pasilidad para sa laban sa COVID-19 ang pinailawan ng Meralco. Kabilang sa mga ito ang ilang ahensya ng pamahalaan, pang-publiko at pribadong ospital, laboratoryo para sa testing, pasilidad para sa quarantine, at mga treatment center.
Upang mas mapabilis ang pagbangon ng ating ekonomiya, unti-unti na ring binubuksan ang lokal na turismo ng bansa. Sa bisa ng rekomendasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), mas pinasimple na ang panuntunan sa pagbiyahe sa loob ng bansa. Ang dokumento gaya ng travel authority mula sa Philippine National Police (PNP) at ang medical certificate mula sa lokal na pamahalaan ay hindi na kinakailangang isumite ng mga nagnanais bumiyahe. Ito ay upang mahikayat ang muling pagbisita sa mga lokal na destinasyon sa bansa.
Sunud-sunod ang magagandang pangyayari sa ating bansa ukol sa laban kontra COVID-19. Nawa’y magtuluy-tuloy ang pagbuti ng sitwasyon sa bansa. Bagamat nagsimula na ang pagdating ng bakuna sa bansa, huwag pa rin tayo maging kampante. Ating ipagpatuloy ang pangangalaga sa sarili upang makatulong sa pagpapababa ng bilang ng positibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
