Ni Ann Esternon
Masama ang sobrang pag-iisip dahil makaaapekto ito sa kondisyon ng iyong utak – sa halip na maging malusog ay nasisira ito. Kapag hindi ito naagapan ay mauuwi ito sa pagiging ugali at kalaunan ay makasisira sa iyong araw-araw na pamumuhay.
Tandaan na anomang sobra ay negatibo na sa bandang huli at ikaw ang unang maghihirap dahil dito. Maaaring makaranas ka ng anxiety o pagkabalisa, depresyon, panic attack dahil sa sobrang pag-iisip dahil mayroon ka nang unrealistic fear para mas tumaas pa ang iyong pag-aalala.
Ang sobrang pag-iisip ay nakasisira rin ng relasyon sa iba at mawawalan na ng gana sa mga bagay-bagay.
Kapag sobrang mag-isip ang isang tao, gumagawa siya mismo ng kanyang ikaka-stress na dapat sana ay nilalabanan o nakatuon ang isip sa realidad.
MGA SENYALES NA SOBRA NA ANG PAG-IISIP
– Kapag panay-panay mong sinasabi ang nangyari sa iyo na iniisip mong hindi maganda o nagdulot ito ng kahihiyan sa iyo, kahinaan, kasiraan, at iba pa
– Kapag iniisip mo lagi ang bagay na hindi pa naman nangyayari o malabong mangyari
– Kapag ang pag-iisip ay nakasisira na ng konsentrasyon sa trabaho
– Kapag napapansin na ng mga nasa paligid mong hindi ka na makausap o mahirap kausap, tulala, nagsosolo o lumalayo
– Kapag kinakain na nito ang oras ng iyong pagtulog o pagkain na kalaunan ay masisira ang kalusugan at babagsak ang katawan
– Kapag inaagaw na nito ang oras sa pamilya, kaibigan at iba pa
PAANO MAIIWASAN ANG SOBRANG PAG-IISIP?
– Kailangang alam mong sobra na ang pag-iisip. Obserbahan ang sarili kung paano ka mag-isip. Kapag ramdam nang iba na ang paraan ng pag-iisip, tanggapin na ito ay maling kaugalian na dapat ihinto at gawan ng aksyon para makawala sa ganitong pag-uugali
– Kailangang maging focus sa active problem-solving at hindi hahayaang isipin na nandoon ka lamang lagi sa kaiisip ng problema. Humingi ng tulong sa mga taong positibong mag-isip o may magandang pananaw sa buhay
– Iwasan ang pag-inom ng alak at paninigarilyo
– Mag-ehersisyo nang regular
– Kumain nang tama at may sustansya
– Matulog sa oras
– Magkaroon ng reflection. Isipin na may magandang mangyayari pa sa hinaharap tulad ng mga nangyari sa iyo noon
– Kapag hindi talaga makontrol ang sobrang pag-iisip, agad na magpakonsulta sa doktor
