MAY pakiramdam ako na hindi united ang nations o hindi nagkakaisa talaga ang mga bansa sa buong mundo dahil kung nagkakaisa talaga sila ay agad nila aaksyunan ang problema ng kanilang mga kasapi.
Ang apat (4) na pinaka-dahilan kaya itinatag ang United Nations pagkatapos ng World War II noong 1945 ay “To keep peace throughout the world; To develop friendly relations among nations; To help nations work together to improve the lives of poor people, to conquer hunger, disease and illiteracy, and to encourage respect for each other’s rights and freedoms at To be a centre for harmonizing the actions of nations to achieve these goals”.
Sa pagdaan ng mga panahon, nagkaroon ng mga division sa UN para bantayan ang karapatang pantao sa bansa, pang-aabuso ng mga otoridad at kung ano-ano pang misyon para protektahan ang mga tao.
Kung talagang may pagpapahalaga ang UN sa karapatan ng mga sibilyan, bakit kapag nagkaproblema sa usaping ito ay hindi umaaksyon agad ang mga bansang kasapi ng organisasyong ito?
Tulad na lamang sa Mynamar, marami na ang namatay at inarestong mga sibilyan dahil sa kanilang mga kilos protesta matapos agawin ng kanilang militar ang pamumuno sa kanilang gobyerno.
Pebrero 1 pa ang problemang ito sa Myanmar pero wala pang agarang aksyon ang UN para maibalik sa sibilyan ang pamumuno sa kanilang gobyerno. Parang naghihintay pa sila ng mas malalang mangyayari bago kumilos?
Hihintayin pa ba muli ng UN na lumipas muna ang 5 dekada bago maibalik sa sibilyan ang gobeyrno sa Myanmar. Pakaso-kaso pa kayo sa International Criminal Court (ICC) laban sa mga heneral sa bansang ito pero wala namang nangyayari.
Ang tanging aksyon na ginagawa ng UN sa Myanmar ay kondehahin ang military junta. Tingin nyo magpapatinag ang mga heneral nila sa pagbubunganga ng mga bansang kasapi ng UN? Hindi!
May mga bansa din sa iba’t ibang panig ng mundo na malala ang paglabag ng otoridad sa karapatang pantao pero nasaan ang UN para maproteksyunan ang mga biktima ng human rights?
Puro pagkondena lang ang kayang gawin ng UN sa mga pinuno ng mga bansang ito. Hanggang doon lang ang kaya nilang gawin kaya magtataka pa ba kayo na nagpapatuloy ang problemang ito.
Hindi matigigil ang human rights violations kung iasa lang sa gobyerno ng isang bansa ang pagtugon sa ganitong problema lalo na kung ang gobyerno mismo ang inaakusahang nasa likod ng mga pang-aabusong ito.
May mga bansa rin tulad ng China na wala ng ginawa kung maghanda sa pagsakop ng ibang nasyon pero kumikilos ba ang UN para pigilan sila? Puro pagkondena lang ang ginagawa nila.
Kung talagang ang layon ng UN ay magkaroon ng kapayapaan sa mundo, dapat pigilan nila ang China sa kanilang ginagawang pananakop sa mga maliliit na bansa tulad ng Pilipinas.
Dapat ding hadlangan ng UN ang China sa kanilang planong sakupin ang Taiwan sa loob ng susunod na anim na taon, base ‘yan sa isang top military officials ng Amerika.
Huwag na nilang hintayin na gawin muna ng China ang plano nila bago sila kumilos. May kasabihan sa larangan ng kalusugan na “prevention is better than cure” pero hindi yung sinusunod ng UN.
