HINDI lang naman ngayong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte naganap ang pagpatay sa kung sinu-sinong tao sa ating bansa.
Dati pang nagaganap ang patayan sa bawat rehimen ng mga naging pangulo ng bansa.
Siyempre, kasama diyan ang termino ni Corazon Cojuangco Aquino hanggang sa panahon ng anak niyang si Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III.
Sa panahon ni Gng. Aquino ay naganap ang masaker sa mga magsasaka ilang hakbang lang mula sa Malakanyang noong Enero 1987.
At alam ng maraming Filipino, kabilang ang mga opisyal at kasapi ng Liberal Party (LP) at ‘panatiko’ ni Gng. Aquino na walang nakamit na katarungan ang mga namatay na mga magsasaka kahit muling naging pangulo ng ating bansa ang isa pang Aquino mula 2010 hanggang 2016.
Sa panahon ni Noynoy Aquino, napakarami ring namatay na mga aktibista at mamamahayag, ayon na rin sa datos ng iba’t ibang organisasyon.
Ngunit, hindi katwiran at batayan ito upang ideklarang “walang bago”, o “hindi nakagugulat” ang nagaganap sa ating bansa ngayon sa ilalim ng rehimeng Duterte.
Ang totoo ay nakadidismaya nang todo dahil ipinamumukha ng mga nagaganap na pagpatay sa kung sinu-sinong tao na walang tigil ang patayan.
Sa hanay ng mga manggagawa, mahigit na 50 lider at organisador nila ang pinatay mula noong 2016, ayon sa NAGKAISA Labor Coalition.
Sa sektor ng mga abogado, 61 na lahat ang biktima ng tinatawag na “extra judicial killings” (EJK), saad ng Free Legal Assistance Group (FLAG).
Ayon sa FLAG, 15 sa mga nilikidang abogado ay mayroong kinalaman sa ilegal na droga ang hawak na mga kaso, o direktang sangkot sila sa bentahan ng ilegal na droga.
Pokaragat na ‘yan!
Napakarami na rin sa mga alkalde.
Sa mga politikong mga ‘yan, hindi lang sangkot sa ilegal na droga ang pinatay kundi mayroon ding “politika” ang motibo ng EJK.
Mahigit 6,000 ang mga naging biktima ng EJK sa mga pinaghihinalaang mga tulak at adik sa iligal na droga simula noong Hulyo 1,2016, ayon sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Pinakamarami sa kanila ay kabilang sa pinakamahihirap na pamilya.
Pokaragat na ‘yan!
Mayroon ding mga pulis na tinodas dahil sa pagkakasangkot nila sa ilegal na droga.
Sipatin ninyong mabuti ang mga pinatay.
Hindi ba’t kitang-kita at mababasa ng inyong mga mata na mula sila sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan?
Ibig sabihin nito ay walang pinipiling sektor, o propesyon, o tao, ang pinapatay sa bansang ito.
Sa bawat pagpatay na naganap mula noong 2016 ay mayroong motibo.
Kapag pinagsama-sama mo ang mga kaso ng mga biktima alinsunod sa pagkakapareho ng motibo ay maiisip mo kung sino, o anong pangkat, ang naglunsad ng EJK, o pagpatay laban sa mga biktima.
Halimbawa, sa hanay ng mga manggagawa, sinu-sino ba ang posibleng nagpapatay at pumatay sa mga lider at organisador ng mga manggagawa?
Mga kapitalista, o kapwa nila manggagawa?
Sa mga alkaldeng sangkot sa ilegal na droga, sino ba ang mayroong napakalakas ng loob at mayroong kapasidad na patayin sila?
Sa mga tulak ng droga at adik, bakit umabot sa higit 6,000 ang isinalya sa EJK?
Hindi naman ito nangyari sa nakalipas na mga dekada.
Sana, walang kinalaman ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga patayang ito.
Ito’y dahil kapag mayroon silang kinalaman, o alinman sa yunit ng dalawa, ay nangangahulugang umiral ang “terorismo ng estado.”
Ang totoo, aminin man o hindi ng kahit na sinong gobyerno sa mundo, sila ang may pinakamalaking organisasyong mayroong kapasidad at sobra-sobrang pera upang gawin ang iba’t ibang porma ng terorismo.
Ang tindi at saklaw ng kanyang terorismo ay nakabatay sa kanyang tudlang atakihin at layunin ng pag-atake.
Syempre, sinomang nakaupo bilang pinuno ng gobyerno, siya ang magpapasya kung kailan ititigil ang terorismo at hanggang kailan ito magtatagal.
247
