MATIBAG NAG-APPOINT SA NBI NG OPISYAL NA NASANGKOT SA DROGA?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

Matapos ang kontrobersyal na pagtatalaga kay dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog bilang bagong DILG undersecretary, panibagong usapin ang bumungad sa appointment ng isang dating opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) na minsang nasangkot sa isang high-profile drug case.

Sa pagkakataong ito, si Atty. Augusto Eric Isidro, dating NBI official na iniugnay noon sa sinalakay na umano’y “mega shabu laboratory” sa Virac, Catanduanes noong 2016, ang itinalaga ni NBI Director Melvin Matibag bilang bagong field office chief ng NBI Pampanga.

Si Isidro ay dating nakulong sa Virac District Jail at Makati City Jail batay sa kautusan noon ni Makati Regional Trial Court Judge Selma Palacio Alaras kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya. Inakusahan siyang may kinalaman umano sa operasyon ng isang sindikato ng ilegal na droga dahil pagmamay-ari raw niya ang sinalakay na shabu laboratory sa Brgy. Palta Small, Virac, Catanduanes.

Dahil sa kaso, natanggal noon si Isidro sa puwesto bilang opisyal ng NBI. Gayunman, dumulog siya sa hukuman upang linisin ang kanyang pangalan at kalaunan ay pinaboran siya ng korte matapos siyang maabswelto sa mga kasong kinaharap. Matapos nito ay nakabalik siya sa serbisyo sa NBI.

Sa kabila nito, umani ng iba’t ibang reaksyon ang kanyang bagong appointment sa Pampanga, lalo na’t may mga alegasyon umano ng katiwalian laban sa ilang operatiba ng NBI sa lalawigan kaugnay ng ilegal na droga, illegal gambling, POGO operations, prostitusyon, “paihi,” at “buriki.”

May mga ulat ding nagsasabing isang “Attorney R” umano ang naging padrino ni Isidro kay Matibag, bagamat wala pang opisyal na pahayag hinggil dito.

Ayon naman sa ilang organic members ng NBI, wala silang pagtutol sa pagbabalik ni Isidro sa ahensya dahil ito ay alinsunod sa naging desisyon ng hukuman. Gayunman, para sa ilan, hindi umano angkop na italaga siya agad sa isang sensitibong posisyon lalo’t patuloy na hinaharap ng ahensya ang iba’t ibang kontrobersiya.

Ang mga ulat hinggil sa dating pagkakasangkot ni Isidro sa drug case ay nailathala noon sa ilang mainstream media at online platforms, kabilang ang gmanews.com (Ex-NBI tagged in Virac shabu lab ordered moved to Makati Jail) at abogado.ph (Ex-NBI office – an abogado – tagged in Catanduanes shabu lab surrenders).

Bukod kina Mabilog at Isidro, muling nabanggit sa usapin ang pangalan ni Kerwin Espinosa, na dating iniuugnay sa ilegal na droga ngunit kalauna’y pinawalang-sala rin ng hukuman. Si Espinosa ay kasalukuyang alkalde ng Albuera, Leyte.

Bago ang kanyang paglaya, humarap si Espinosa sa pagdinig ng Quad Committee sa Kamara kung saan itinuro niya si dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald dela Rosa na umano’y nag-pressure sa kanya upang idiin si Senadora Leila de Lima sa operasyon ng ilegal na droga noong nakaraang administrasyon.

Samantala, patuloy ring nahaharap sa kontrobersiya ang NBI matapos ang insidente sa Senado kaugnay ng tangkang pag-aresto umano kay dela Rosa, gayundin ang napaulat na komprontasyon sa pagitan ng ilang NBI personnel at miyembro ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).

Ilang senador, kabilang sina Senate President Alan Peter Cayetano at Senadora Pia Cayetano, ang nagpahayag ng pagkadismaya kay Matibag kaugnay ng naturang insidente.

Dahil dito, personal ding sumulat si Senadora Imee Marcos kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang hilingin ang pagtanggal sa puwesto ni Matibag at iba pang opisyal ng NBI.

108

Related posts

Leave a Comment