NAGHAIN ng resolusyon sa Kamara sina House Speaker Faustino Dy III at Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez para imbestigahan ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kaugnay ng sunod-sunod na grid failures at malawakang brownout sa Luzon at Visayas.
Sa ilalim ng House Resolution No. 1024, hinihiling ang congressional inquiry, in aid of legislation, matapos ang pag-trip noong Mayo 13, 2026 ng 500-kilovolt Tayabas-Ilijan at Dasmariñas-Ilijan transmission lines.
Dahil dito, biglang nawalan ng mahigit 2,462 megawatts ng kuryente na nagdulot ng red at yellow alerts sa Luzon at Visayas grids.
Napilitan ding magpatupad ang NGCP ng Manual Load Dropping na nakaapekto sa tinatayang 3.9 milyong consumers sa Metro Manila, Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
“Hindi katanggap-tanggap na milyon-milyong Pilipino ang nawalan ng kuryente dahil sa pagkabigo ng ating transmission system. Ang kuryente ay hindi luho — ito ay pangunahing pangangailangan,” ani Dy.
Ayon pa sa mambabatas, inilantad ng insidente ang seryosong kahinaan sa power transmission backbone ng bansa kaya kailangang malaman kung may kapabayaan sa maintenance, monitoring, at pagsunod sa grid standards.
Binibigyang-diin din sa resolusyon na dapat matukoy kung “force majeure” ba ang sanhi ng insidente o bunga ito ng umano’y kakulangan ng NGCP sa maintenance at investments sa transmission system.
Tinukoy rin sa panukala ang umano’y kabiguan ng NGCP na agad iulat ang insidente sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) sa loob ng itinakdang oras.
Ayon pa sa resolusyon, hindi rin umano nakapagsumite ang NGCP ng kinakailangang incident report na tumutukoy sa ugat ng transmission failures.
Iginiit ni Dy na may responsibilidad ang Kongreso na tiyaking ginagampanan ng mga public utility na may legislative franchise ang obligasyon nito sa publiko.
“Hindi puwedeng paulit-ulit na lamang tayong makararanas ng red alert, yellow alert, at malawakang brownout,” ani Dy.
Saklaw ng planong imbestigasyon ang teknikal na dahilan ng transmission failures, posibleng paglabag sa reportorial compliance, estado ng Transmission Development Plan, at kung may paglabag na sa legislative franchise ng kumpanya.
“The Filipino people deserve a power system that is stable, reliable, and prepared for contingencies,” dagdag pa ni Dy.
(TINA MENDOZA)
63 