RAPIDO ni PATRICK TULFO
MAY umuugong na balitang may napipinto umanong palitan ulit ng liderato sa Senado.
Ayon sa mga balita, may ilang nasa mayorya ang lilipat sa minorya dahil hindi gusto ang nangyaring takbo sa Senado ngayon sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Alan Peter Cayetano.
Umuugong ang pangalan ni Sen. Loren Legarda na dati nang nasa grupo ni Sen. Tito Sotto, ganoon din ang pangalan umano ni Sen. Joel Villanueva.
Hindi imposibleng tumalon ulit ng bakod si Sen. Legarda matapos ang kaliwa’t kanang batikos sa kanya, hindi lang ng publiko kundi maging ang kanyang mga alma mater. Para sa politikong katulad ni Sen. Legarda, mahalaga ang reaksyon ng taumbayan.
Ayon sa mga miron, maaaring ang paglipat ni Sen. Legarda sa kabilang grupo ay upang protektahan ang kanyang anak na sinasabing nakatakdang sampahan ng kaso dahil sa pagkakautang sa kontrata sa gobyerno ng private company nito. Pero ayon naman sa iba, sadyang political butterfly lang talaga si Sen. Legarda, kumbaga, kung saan siya may benepisyo ay doon siya.
Sumasang-ayon ako sa pahayag ni Sen. Risa Hontiveros na nakahihiya na ang Senado, nakadidismaya at nakagagalit. Dapat ay ayusin ng Senado ang kanilang hanay upang bumalik ang tiwala ng taumbayan, lalo na’t magsisimula na ang pagdinig sa impeachment case ni VP Sara Duterte.
Ang circus na nangyari sa Senado ay may kaugnayan lahat sa mga Duterte. Ang pagpapapasok kay Sen. Bato Dela Rosa para bumoto sa pagpapatalsik kay Sen. Sotto, at ang umano’y pag-atake sa Senado, lahat ng ito ay may kaugnayan sa pagprotekta sa mga Duterte.
65 