KINASTIGO ni Senador Joel Villanueva ang kawalan ng malinaw na patakaran sa validity ng birth certificate kaya dapat linawin ito ng Philippine Statistics Authority sa ibang ahensiya ng pamahalaan na nagtatakda ng panibagong dokumento kada anim na buwan.
Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na dagdag pasanin ito ng mamamayan partikular ang naghahanap ng trabaho dahil gastos lamang ito.
Kung tutuusin, madali lang ang solusyon nito dahil kailangan lang kilalanin ng mga ahensya ng pamahalaan na panghabambuhay na validity ng birth certificate, ayon sa mambabatas.
“Napakalinaw po na pang-habangbuhay ang validity ng birth certificate. Hindi po ito de lata na may ‘best before’ na marka o expiration. Para pong pinagkakakitaan natin ang ating kababayan tuwing nagsusumite sila ng birth certificate para sa iba’t ibang requirement ng mga ahensya ng gobyerno,” ani Villanueva sa isang pahayag.
Sa pagdinig ng Senate civil service committee noong Huwebes, tinanong ni Villanueva ang mga opisyal ng PSA sa nagawa nito upang maunawaan ng ibang ahensya ang lifetime validity ng birth certificate.
Tumugon ang kinatawan ng PSA na si deputy national statistician Leo Malagar na pinapalitan ng kanilang ahensya ang security paper kung saan naka-print ang birth certificate bawat anim na buwan.
Ngunit, aniya, hindi ito nangangahulugan na nag-e-expire ang naturang dokumento.
“Kailangan po nang mas malinaw at mas maayos na polisiya ang ating mga ahensya pag dating sa validity ng birth certificate, kasi po aanhin ng ating mga kababayan ang kanilang birth certificate kung hindi naman tinatanggap ng ibang ahensya ng pamahalaan?” giit ni Villanueva.
“Kailangan pong mag-coordinate nang maayos ang PSA sa mga ahensya ng pamahalaan upang maitama natin ang maling interpretasyon at pagkakalito. Nasa lugar ang PSA upang may gawin na hakbang tungkol dito,” aniya. “Malinaw rin na kailangan po talaga natin ipasa ang panukalang ito.”
Inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 1281, na tinalakay noong pagdinig. Layunin nito na ipagbawal ang pag-require sa mga aplikante sa serbisyo ng gobyerno na magsumite ng birth certificate na na-issue gamit ang pinakabagong security paper sa loob ng anim na buwan.
Isang beses lang po tayo ipinapanganak, at ang kalagayan at detalye ng ating pagkapanganak ay hindi kailanman magbabago,” ayon kay Villanueva. (ESTONG REYES)
324 