ISANG pinaniniwalaang gun for hire ang napaslang sa inilatag na entrapment at buy-bust operation ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group noong Huwebes ng umaga sa Bacolod City.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP-AKG Director P/Brig. General Jonnel C. Estomo, nakatala bilang top 8 most wanted person ng Bacolod City ang suspek na kinilalang si Aljohn Cabalhin alyas “Jimboy Cabalhin”.
Ayon kay PNP-AKG spokesman, Maj. Ronaldo Lumactod Jr., si Cabalhin ay deklaradong “armed and dangerous” dahil sa mga kasong kinasasangkutan nito gaya ng pagpatay, serye ng ilegal na bentahan ng baril, robbery hold-up, gun for hire, carnapping, motor-napping at kidnapping sa area ng Negros Occidental.
Isang buy-bust operation ang inilatag nina P/Capt. Adrian James A. Albaytar ng PNP-AKG, at P/Lt. Col. Wilfredo V. Sy, pinuno ng Bacolod City Special Operation Unit, laban kay Cabalhin na kumagat sa bitag at nagbenta ng isang caliber 380 pistol sa isang poseur buyer sa Man Ville Subd., Brgy. Pahanocoy, Bacolod City.
Matapos na bilangin ng suspek ang marked money na kabayaran sa ibinibentang baril, nagbigay ng hudyat poseur buyer para sa pagdakip kay Cabalhin ngunit nakatunog ito kaya pinaputukan ang mga pulis.
Napilitang gumanti ng putok ang mga operatiba na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Ayon kay Gen. Estomo, “In all our mission in AKG, we learned that courage was not the absence of fear, but the triumph over it. The brave man is not he who does not feel afraid but he who conquers that fear”.
Natagpuan ng mga operatiba at Scene of the Crime Operatives ng Bacolod City PNP sa encounter site ang isang caliber .45 pistol, limang bala, isang Berretta 380 pistol, isang itim na backpack, isang cellular phone at marked money. (JESSE KABEL)
399
