(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
ITINUTURING ng Malakanyang na guni-guni lang ni Supreme Court Retired Associate Justice Antonio Carpio ang huling banat nito na ang mga bakunang donasyon ng China ay para pampatahimik sa Pilipinas lalo na’t may usapin ngayon sa Julian Felipe Reef na bahagi ng West Philippine sea.
Ipinamukha ni Presidential spokesperson Harry Roque kay Carpio na kung hindi dumating ang mga bakuna na galing ng Tsina ay wala sanang paunang nagamit ang bansa na ngayo’y pinakikinabangan na aniya ng ating mga kababayan.
“Naku, pasensiya na po kayo pero didiretsuhin ko kayo, guni-guni lang po iyan ni Justice Carpio. Alam ninyo po sa panahon ng pandemya na wala namang umasa na biglang magkakaroon ng ganitong pandemya ay importante po sa atin iyong pakikipag-kapwa, iyong pagiging humanitarian,” ayon kay Sec. Roque.
Pahayag pa ni Sec. Roque, sana’y huwag na lang mahaluan ng pulitika ang usapin partikular ng mga personalidad na aniya’y desperadong manalo sa 2022 na malayu-layo naman umanong mangyari.
“Huwag sana po lahat hinahaluan ng pulitika ng mga persona na desperado pong manalo sa 2022 at malayu-layo pa naman po iyan,” pakiusap nito.
SINISINGIL
SI DUTERTE
Samantala, naniningil na ang ilang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso sa “tapang” ni Pangulong Rodrigo Duterte sa presidential debate noong 2016 laban sa pananakop ng China sa teritoryo ng Pilipinas.
Sa press conference ng Makabayan bloc kahapon, sinabi ni ACT party-list Rep. France Castro, kailangan ang tapang ngayon ng gobyerno dahil sa tila tangkang pananakop na naman ng China sa isa pang isla ng Pilipinas sa West Philippine Sea partikular na sa Julian Felipe reef.
“Kailangan natin dito yung matapang na stand para malaman ng China na talagang tinutugunan natin para sa ating patrimonya at soberanya. So nasaan na dito yung tapang ni Duterte noong sinabi niya sa atin na gagamit siya ng jetski para itaas niya ang bandera ng Pilipino (sa WPS).
Hindi na aniya ubra ang mga diplomatic protest na ginagawa ng gobyerno dahil binabalewala ito ng China dahil alam nilang walang tapang ang mga lider na ipagtanggol ang teritoryo ng bansa.
Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite, hindi na ito magtataka na patuloy ang panghihimasok ng China sa teritoryo ng Pilipinas dahil hindi pumapalag si Duterte.
“Totoong ang ating soberanya ay niyuyurakan na (ng China) bunga ng kapabayaan ng administrasyon ni Pangulong Duterte,” ani Gaite.
Kung tinupad lang aniya ni Duterte ang pangako ay hindi maglalakas-loob ang nasabing bansa na ipagpatuloy ang pananakop sa teritoryo ng Pilipinas na tinatarget naman ngayon ang Julian Felipe Reef na 175 nautical miles lang ang layo sa Palawan at halos 1,000 nautical miles naman ang layo sa China.
PALUSOT
Sinabi pa ng mambabatas na palusot na lamang ng China na nagkakanlong lang ang kanilang mga kababayang mangingisda sa nasabing isla dahil masama umano ang panahon.
“Ginoogle earth ko, walang ulan, walang bagyo,” ani Gaite.
Sa huling ulat ay hindi pa rin umaalis ang nasa 220 fishing vessels sa nasabing lugar.
Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, ang palusot na ito ng China ay ginamit na nila sa Panganiban Reef o Mischief Reef at Zamora Reef noong 1995 subalit ngayon ay tinayuan na nila ng kanilang military facilities at meron nang missile defense system.
NAGKAUSAP
Kaugnay nito, tiniyak umano ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian kay Pangulong Duterte na walang dapat ipangamba ang Pilipinas sa presensiya ng Chinese vessels sa Julian Felipe Reef (Union Reefs).
Ito’y nangyari sa isang “social call” na ibinigay ni Huang kay Pangulong Duterte sa Malacañan Palace sa Maynila.
“Nagkaintindihan naman po si presidente at ang Chinese ambassador,” ayon kay Sec. Roque.
Sinabi aniya ni Huang sa pangulo na ang mga namataan na Chinese boats ay nandoon lamang sa JFR dahil sa masamang kondisyon ng karagatan.
Tumanggi naman si Sec. Roque na ihayag ang petsa ng meeting dahil nang mangyari umano ito ay naka-isolate pa siya.
158
