(CHRISTIAN DALE)
MALAMIG si National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa panukalang batas na inihain ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na magbibigay depinisyon o pakahulugan sa ‘red-tagging’ at magtatakda rito bilang isang criminal activity.
Ani Esperon, kailangan muna niyang makita ang kopya ng Senate Bill No. 2121 o “Act Defining and Penalizing Red-Tagging”.
Subalit binigyang-diin ng opisyal na sa halip isulong ni Drilon ang panukalang batas ay mas makabubuti aniya na kondenahin nito si Jose Ma. Sison,” founder ng Communist Party of the Philippines (CPP).
“I have yet to see the bill. Condemn Jose Ma. Sison. He recited in a video his partners in his violent and terroristic grab for state power,” ang pahayag ni Esperon.
“Condemn the terrorists, not the victims and law enforcers,” dagdag na pahayag nito.
Samantala, nagbigay naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng neutral stance o walang kinikilingan na paninindigan nang matanong sa isyu sabay sabing nasa kapangyarihan ni Drilon ang gumawa ng batas.
“Legislation is an inherent function of solons and we, in the AFP, recognize that. The good Senator Drilon is well within his mandate to draft bills to be enacted into law,” ang pahayag ni Maj. Gen. Edgard Arevalo, AFP spokesperson.
Sa ulat, sa ilalim ng Senate Bill 2121 na inihain ng minority leader, layong i-criminalize ang red-tagging at magtakda ng parusa para dito, upang maayos ang legal gaps at matugunan ang impunity, at magkaroon ng accountability sa bansa.
Sa ilalim ng naturang panukala, pinapakahulugan ang red-tagging bilang pag-label, paninirang-puri, pag-aakusa, pag-uusig, stereotyping, pangha-harass o caricaturing ng mga indibidwal, grupo o organisasyon bilang mga kalaban ng pamahalaan, makakaliwa, subersibo, komunista o terorista bilang bahagi ng anti-insurgency o anti-terrorism strategy.
Sinomang mapatutunayang guilty sa red-tagging ay papatawan ng parusang pagkakakulong ng hanggang sampung taon at posibleng hindi na payagang makahawak pa ng anomang posisyon sa gobyerno.
Paliwanag ni Drilon, hindi sapat ang kasong libel o grave threat para sa red-tagging lalo at isang state agent ang gumagawa nito, kaya naman nagreresulta ito sa seryosong paglabag sa karapatang pantao gaya ng harrassment, arbitrary arrests, detention at enforced disappearances.
May ilang pagkakataon din aniyang nagreresulta ito sa pagkamatay.
155
