TULAK NANLABAN SA PARAK, PATAY

BATANGAS – Patay ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang manlaban sa mga awtoridad sa buy-bust operation habang nakatakas ang kasama nito at nakumpiska ang tinatayang P680,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation noong Biyernes ng gabi sa bayan ng San Pascual sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat na natanggap ni Batangas Police provincial director, P/Col. Rex Arvin Malimban kay San Pascual Municipal Police chief, P/Maj. John Eric Antonio, kinilala ang napatay na si Alexander Navarro, miyembro umano ng Perlita Perculeza drug group.

Napag-alaman, nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsanib na pwersa ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) 4A at San Pascual MPS bandang alas-9:00 ng gabi sa Brgy. Bayanan.

Nagpanggap na buyer ang isang pulis na bumili ng P1,000 halaga ng shabu ngunit nang mapansin ng suspek na peke ang perang ibinayad sa kanya ay biglang pinaputukan ang katransaksyon.

Bunsod nito, gumanti ng putok ang pulis na agad na ikinamatay ng suspek habang mabilis na tumakas ang kasama nito lulan ng motorsiklo.

Nakuha mula sa napatay na suspek ang isang plastic bag ng 100 gramo ng umano’y shabu na tinatatayang P680,000 ang street value, at isang .38 kalibreng baril.

Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang nakatakas na kasama ng suspek. (CYRILL QUILO)

211

Related posts

Leave a Comment