“HARD lockdown”, o “enhanced community quarantine” (ECQ) ang kagyat at mabisang solusyong iginigiit ng Department of Health (DOH) upang huwag matuloy ang 430,000, o mas marami pa rito, na madadagdag sa bilang ng mga taong magkakaroon ng coronavirus disease-2019 (COVID – 19) sa huling araw ng Abril.
Kaya, nanindigan ang pamunuan ng DOH, sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si Undersecretary Maria Rosario Vergeire na muling ipatupad ang ECQ sa National Capital Region (NCR), Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan mula kahapon, Marso 29, hanggang Abril 4.
Noong Marso hanggang Mayo ng nakalipas na taon ay isinailalim din sa ECQ ang buong Luzon, kasama ang NCR, upang mapatigil ang pagkalat ng COVID-19 na nagdulot din ng pagbagsak ng ekonomiya.
Mula sa negatibong gross domestic product (GDP) na 8.9% noong 2020 ay napakalayo pa ng lalakbayin upang makamit ang positibong 6.5% GDP ngayong 2021 dahil nagsara na naman ang NCR at mga karatig lalawigan.
Ipinaliwanag ni Vergeire na batay sa ipinakita ng modeling tool na FASSSTER ay magkakaroon ng “further exponential increase …[if] we are not going to impose harder lockdowns or harder measures”.
Naniniwala rin ang OCTA Research Group na kailangang higpitan ang pagkilos ng mga tao upang huwag nang dumami ang mga nahahawaan ng COVID-19. (NELSON S. BADILLA)
