Media, mayors, bumbero frontliners din PINASASAMA SA VACCINE PRIORITY LIST

HINILING ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga awtoridad na namamahala sa COVID-19 vaccines rollout, na isama sa listahan ng mga prayoridad ang mga bumbero, mga miyembro ng media at mga alkalde dahil sa papel na kanilang ginagampanan bilang frontliners sa gitna ng pandemya.

Gayunman, paglilinaw ni Moreno, hindi niya isinasama ang kanyang sarili sa panukala na isama ang mga alkalde sa prayoridad sa bakuna.

Aniya, nangangamba siya na ilang mga alkalde na ang tinamaan ng virus kabilang si Quezon City Mayor Joy Belmonte habang si Famy, Laguna Mayor Edwin Pangilinan ay binawian ng buhay kamakailan dahil sa COVID-19.

“Easily, I could name at least ten mayors who have had COVID-19 and it’s sad, especially since the mayors are constantly in the frontlines and at risk of getting infected, since they deal with the communities and the frontliners who are likewise exposed on a daily basis,” pahayag ni Moreno.

Ayon pa sa alkalde, naniniwala siya na ang medical, health frontliners at allied services, senior citizens at maging ang may comorbidities ay dapat na nasa unahan sa listahan ng mga prayoridad.

Aniya, dahil sa kalagayan ng panahon sa kasalukuyan, ang ordinaryong mamamayan ay tumatakbo sa kanilang alkalde para sa agarang tulong, kaya naman ang mga lokal na lider ng bawat lungsod ay kailangan na naroon din upang tugunan ang mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan, gayundin ang health frontliners, senior citizens at mga may sakit na mamamayan.

Binanggit pa ng alkalde na mayroon lamang higit na 1,600 municipal at city mayors sa bansa at kung isasama ang mga ito sa priority list ay hindi ito makakaapekto sa prioritization program ng gobyerno.

Sa kaso naman ng mga miyembro ng media, binanggit ni Moreno ang kahalagahan ng pagbibigay proteksyon sa interes ng publiko sa pamamagitan ng pagbibigay nila ng tama at maasahang impormasyon sa panahon ng pandemya.

Sa pamamagitan ng komprehensibong pagbabalita, sinabi ng alkalde, ang mapagmatyag at dedikasyon ng media ay nagsisilbing instrumento sa paghahatid sa publiko ng lahat ng mga pagkilos na ginagawa ng pamahalaan na may kinalaman sa pandemya at ginagabayan din nila ang publiko sa mga bagay na dapat nilang malaman.

Kung walang maaasahang media, walang aniyang pagpipilian ang taumbayan kundi ang fake news na mula sa hindi maaasahang pinagmulan na maaaring magresulta sa kalituhan, kawalang gabay at anarkiya.

Habang binanggit ni Moreno na marami sa government firemen at volunteers ang dinapuan ng coronavirus at naiuwi pa ng mga ito sa kanilang pamilya.

Idinaing din umano ng mga bumbero na kapag sila ay nagreresponde ay nakalilimutan ng mga residente ang health protocols kaya naman nalalantad sila sa impeksyon. (RENE CRISOSTOMO)

147

Related posts

Leave a Comment