ISA ang Bulacan sa bahaing lugar sa ating bansa.
Ngunit, hindi inatras ng San Miguel Corporation (SMC) ang plano nitong itayo ang modernong paliparan sa nasabing lalawigan.
Pangmatagalan ang itatayong paliparan na napakalaki ng maitutulong sa daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila, sa maraming Fiipino dahil magkakaroon sila ng hanap-buhay at napakalaki rin ang maiaambag nito sa ekonomiya ng ating bansa.
Kaya, hindi problema ang matinding suliranin sa baha dahil lulutasin ito ng SMC.
Ang ginawa ng pamunuan ng SMC, batay na rin sa plano ng chief operating officer ng korporasyon na si Ramon S. Ang (RSA), ay magtanim ng mangroves.
Nabatid kong 200,000 mangroves ang ipinatanim ni RSA sa mga gilid ng dagat sa Bulacan.
Sa pamamagitan ng mangroves, mapipigilan nito ang pag-agos ng tubig mula sa dagat patungong kapatagan ng Bulacan.
Hindi nanghingi ng pera ang SMC sa pamahalaang lalawigan at sa mga pamahalaang lungsod at bayan sa Bulacan para sa 200,000 mangroves.
Siyempre, sa kalaunan ay makatutulong ito sa New Manila International Airport.
Ngunit, higit itong makatutulong sa mga Bulakenyo.
Napag-alaman kong epektibong solusyon pala ang mangroves laban sa baha.
Napipigilan ng mangroves ang labis na pagtungo ng mga tubig sa kapatagan.
Kung gayon, nararapat pa lang magpatanim ang pamahalaang lalawigan, lungsod at bayan ng mangroves upang malunasan ang mga pagbaha.
Hindi literal na absolutong solusyon ang mangroves, ngunit lumilitaw na malaki ang maitutulong ng mangroves laban sa baha.
Kung gayon, nararapat at obligado palang magtanim ng napakaraming mangroves sa gilid ng mga dagat at estero.
Sa mga bahaing lugar sa Rodriguez at San Mateo sa Rizal ay nararapat at obligadong magtanim ng mangroves.
Kahit sa Marikina River dahil perwisyong katakut-takot ang pagbaha sa ilang barangay sa Lungsod ng Marikina tuwing bumabagyo.
Ganoon din sa Lungsod ng Dagupan dahil napakatindi ng baha rito tuwing bumabagyo.
Mistulang nakikipagpaligsahan sa ilang lungsod sa Metro Manila ang napakatinding pagbaha sa Dagupan.
Kahit sa napakahabang paligid ng Lawa ng Laguna ay kailangang magtanim ng mga mangrove, sa halip na lagyan ito ng makapal na pader.
Ang gastos sa mga bato, o mga hollow blocks, simento, bakal at iba pang pampatibay daw ng gilid ng lawa ay ilaan na lang sa mangroves.
Higit na mainam ang mangroves upang malutas ang deka-dekada nang suliranin laban sa baha kumpara sa pader at simento.
Alam ba ninyo na napakalaki ng suporta ng mangroves sa pagpapaganda ng kapaligiran at paglilinis at pagpapabango ng simoy ng hangin.
Mayroong konsepto na nabuo sa Public Administration na ang simoy ng hangin mula sa mga puno at dahon ay bahagi ng kapaligirang ginagalawan ng tao.
Ang kapaligiran ay nakatutulong nang malaki sa kalusugan ng mamamayan, lalo na ng mga bata at nakatatanda.
Kapag binalikan at muling pag-aralan ang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay mapapansin ninyong bilyun-bilyong libo ang pondong inilalaan para sa pagpapagawa ng mga estero, kanal, imburnal at iba pa laban sa baha.
Taun-taon ay mayroong bilyun-bilyong perang nakalaan ang DPWH bilang hakbang laban sa baha.
Nangangahulugan lamang na ang mga inhinyero sa DPWH ay napakalaki ng tiwala sa ideyang pagkukumpuni ng mga estero, kanal at imburnal ang natatanging lunas sa baha.
Hindi pa ako nakakakita ng bilyun-bilyong pera.
Pero, alam kong napakalaking salapi ito.
Hindi ba’t napakainam kung ilalaan ang bilyun-bilyong pera ng DPWH na pambili ng mangroves at iba pang mga punong itatanim upang malunasan ang regular na pagbaha sa maraming bahagi ng ating bansa mula sa tuktok ng Luzon hanggang talampakan ng Mindanao.
Kumbinsido ako sa magagawa ng mangroves laban sa malawakang pagbaha sa maraming panig ng ating bansa.
Kaya, nararapat lamang na magtanim tayo ng mangroves.
