NANAWAGAN si OWWA Board of Trustee Dr. Chie Umandap sa overseas Filipino workers (OFW) at mga pamilya nito na seryosohin ang “cash grant” at iba pang proyektong pangkabuhayan ng ahensiya dahil ito ay para sa kapakanan nila.
Sa panayam ng programang UP UP Pilipinas, hinikayat ni Umandap ang mga benepisyaryo na ituring na malaking pagkakataon ang handog ng programa lalo na sa gitna ng pagsubok ng pandemyang COVID-19.
Patuloy naman si OWWA Deputy Administrator Faustino Zabares sa “Lakbay Re-Integration.” Ito ay “information campaign” ng ahensiya sa iba’t ibang lugar ng bansa. Mula Maynila, Baguio, Region 2, Region 3, Region 4A, Region 5, Cagayan, Davao, Cagayan de Oro, Bukidnon, Malay Balay, Quezon, Butuan, Caraga, Coronadal, Gen-san, Cotabato, Zamboanga, Tacloban, Ormoc City at Calubian.
Kapansin-pansin na lahat ng mga pinuntahang LGU ay masaya dahil marami ang programang hatid ng OWWA. Anim (6) na gobernador, mga meyor at barangay chairman ang susuporta at magpapalagay ng tanggapan para sa OFW.
Katuwang ng programa ang OFW Advocate na si Ma. Fe Nicodemus at Coco Naik ng AKO OFW.
Paliwanag ni Umandap na ang bawat ng grupo ng lima o higit pang OFW ay puwede nang tumanggap ng puhunan mula sa ahensiya. Pero merong patuloy na pagsasanay at pagmo-monitor sa proyekto para ito ay magtagumpay at hindi masayang ang pera.
