HINIMOK ng Malakanyang ang mamamayan lalo ang mga kailangang magdala ng kanilang kaanak sa ospital na dumulog sa One Hospital Command Center.
Ang paghikayat na ito ni Presidential spokesperson Harry Roque ay bunsod ng marami na aniyang punong ospital at sadyang mahirap maghanap ng pagamutang maaaring pagdalhan sa isang tinaman ng COVID.
Naniniwala si Sec. Roque na makatutulong kung makatawag sa One Hospital Command Center dahil ito ang makapagsasabi kung saan pang ospital may bakante at pwedeng pagdalhan sa isang suspected COVID patient.
Una nang sinabi ni Roque na nakahanda siyang makipag-ugnayan muli sa telecom companies para sa dagdag na linya para sa One Hospital Command dahil na rin sa dami ng tumatawag dito.
Sa NCR as of April 6, nasa 79% na ang okupadong ICU beds habang 72% nang okupado ang isolation beds, 60% na ang occupancy sa ward beds habang ang ventilators ay nasa 61% na ang utilization rate. (CHRISTIAN DALE)
