CAVITE – Nalantad ang pagkatao ng isang lalaki na miyembro pala ng Urban Terrorist Group ng Abu Sayyaf na naka-base sa Basilan, nang arestuhin sa bisa ng warrant of arrest sa Dasmariñas City.
Kinilala ang suspek na si Madzoomie Muslimin, 35, ng Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City.
Ayon sa ulat ni P/SMgt. Roberto Lacasa ng Dasmariñas City Police, dakong alas-7:30 noong Huwebes ng gabi nang isilbi ng pinagsamang puwersa ng Cavite Police Provincial Office (PPO) at Dasmariñas CPO ang isang service warrant of arrest laban sa suspek sa kanyang tinitirhan sa Brgy. Datu Esmael ng naturang lungsod dahil sa kasong slight illegal detention.
Hindi naman pumalag ang suspek nang arestuhin na nakumpiskahan ng .38 kalibreng baril, mga bala at isang granada.
Sa record ng pulisya, nabatid na si Muslimin ay miyembro ng Anak Yatim criminal gang, isang Urban Terrorist Group (UTG) ng Abu Sayyaf Group na naka-base sa Basilan at miyembro rin ng Nurhasan Jamiri Group.
Bukod sa kinakaharap na kaso, nahaharap din ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9516. (SIGFRED ADSUARA)
625
