CAVITE – Tinatayang mahigit P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang 29-anyos na babaeng tulak habang 18 pang mga suspek ang nadakip sa buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigang ito.
Kinilala ang arestadong babaeng suspek na si Sulayka Ogagang, alyas Layking Casar, may asawa, ng Block 33, Lot 10, Brgy. Datu Esmael, Dasmariñas City.
Ayon sa report ni Pat. Verlee Gym Tigbao ng General Mariano Alvarez (GMA) Police Station, dakong alas-2:30 noong Huwebes ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Team (SDET) sa harapan isang fastfood restaurant sa Brgy. Gavino Maderan, GMA kung saan target ang suspek na nagresulta sa pagkakaresto kay Ogagang.
Nakumpiska sa suspek ang 260 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang P1,768,000 ang street value.
Samantala, umabot naman sa 18 iba pang umano’y mga tulak ng ilegal na droga ang nadakip sa magdamagang buy-bust operation sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan.
Nanguna sa listahan ng may pinakamaraming tulak na naaresto ang bayan ng Silang, 4; sumunod ang Dasmariñas City, 3; tig-dalawa naman ang Tagaytay City, Cavite City, Naic at Imus City, habang tig-isa ang Carmona, Noveleta at Indang. (SIGFRED ADSUARA)
163
