QUEZON – Nadakip ang isang binatang tambay na umano ay tulak ng ilegal na droga, makaraang makumpiskahan ng P2.5 milyong halaga ng shabu sa buy-bust operation sa bayan ng Candelaria sa lalawigang ito, noong Lunes ng gabi.
Kinilala ng Candelaria Police ang suspek na si Mark Delfin Alinea Sarmiento, 23-anyos, residente ng Barangay Malabanban Sur.
Batay saa report ng pulisya, isinagawa ng magkasanib na pwersa ng Candelaria Police at Quezon Provincial Intelligence Branch ang buy-bust operation laban sa suspek dakong alas-9:00 ng gabi at nakabili ang isang operatiba ng isang sachet ng umano’y shabu.
Matapos arestuhin ang suspek ay nakumpiskahan ito ng isang pouch na naglalaman ng 24 pang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 125 gramo at may street value na P2,550,000 at DDB value na P850,000.
Nakakulong na ang suspek sa Candelaria Police Station locked-up cell at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002. (NILOU DEL CARMEN)
142 