LAGUNA – Natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang karagdagang COVID-19 treatment facilities sa Batangas Medical Center (BatMC) sa Batangas City.
Mayroong 10 Intensive Care Unit ICU at 21 isolation room at monitoring room para sa mga may mild symptoms.
Kabilang din dito ang dormitoryo na may 22 rooms para sa 44 healthcare professionals na nais magpahinga matapos ang kanilang trabaho.
Ayon kay DPWH Secretary Mark A. Villar, bubuksan ito sa mga pasyente sa Mayo 2021 upang maging karadagang pasilidad at bilang paghahanda sa umaapaw na mga ospital sa mga nagkakasakit ng coronavirus mula Metro Manila at buong Southern Tagalog.
Buong-puso naman ang pagpapasalamat ni DOH-Calabarzon Regional Director Eduardo Janairo kay Sec. Villar dahil sa patuloy na suporta sa pagsasaayos ng health facilities sa rehiyon.
Sinabi rin ni Janairo, “A harmonized, interoperable, and interconnected government can increase the quality and efficient delivery of frontline services which will greatly benefit the public”.
Samantala, nakarating na sa lungsod ng Batangas ang halos 1051 Sinovac vaccines mula sa national government na siyang ibabakuna sa A1 groups o frontline workers at health professionals sa pampubliko at pribadong health facilities.
Isasagawa ang pagbabakuna sa Batangas City Convention Center nitong Miyerkoles hanggang Biyernes. (CYRILL QUILO)
