Alamat ni Manny Pacquiao (Ika-24 Na Bahagi) Paano tinahak ni Manny ang daan tungo sa walong dibisyong kampeonato

Ni EDDIE ALINEA

LABINDALAWANG taong singkad at ‘di matingkalang pawis at dugo ang pinuhunan ni Manny Pacquiao para mapasa-kamay ang karangalang maging kaisa-isang ­boksingero na nanalo ng walong pandaigdig na korona.

Nagsimulang umani ng titulo ang ipinagmamalaki ng lahing Pilipino noong 1998, tatlong taon matapos siyang matutong magsuot ng glab, nang patulugin niya sa ikawalong round ang Thai na si Chatchai Sasakul at ariin ang korona ng lineal flyweight, na kauna-unahan niyang pandaigdig na kampeonato.

Sa kasamaang palad, kung gaano kabilis niyang nakamit ang korona ay ganoon din kadaling nawala ito sa kanya nang siya naman ang mapatulog sa pangatlong round ng kababayan ni Sasakul na si Midgen Sinsuat Thammarat, na tinalo rin ang Mehikanong si Gabriel Mira.

Subalit sa pangalawang pagkakataon ng pagiging pro ni Manny, muli niyang ipinakita ang kanyang kakayahang bumangon sa pagkatalo nang makapagtala ng 14-sunod na pagwawagi, bago muling nabigo laban sa kinalaunan ay naging kaibigang matalik na si Erik Morales ng Mehiko noong 2005.

Agad namang nakabawi ang ama ng lima at kabiyak ni ­dating Sarangani Bise Gob. Jinkee, nang 11 sunod na nanalo siya, kabilang ang dalawang beses na pagpapatulog kay Morales at limang iba pa para bigyan ang sarili ng apat na karagdagang titulo — super-bantamweight, ­featherweight, ­super-featherweight at lightweight.

Ang mga titulo ay nakamit niya laban sa Aprikanong si Lehlo Ledwaba (TKO 6), Marco Antonio Barrera (TKO 11), Juan Manuel Marquez (UD 12) at David Diaz (TKO 9), ayon sa pagkakasunod.

Ang pakikipagtuos ni ­Pacquiao kay Ledwaba ang pinakauna niya sa Amerika at sa ilalim ng pamamatnubay ni Hall of Fame trainer Freddie Roach.

Sa pagitan ng mga labang ito ay ang walong round niyang TKO kay Mehikano-Amerikanong alamat Oscar De La Hoya, na walang koronang nakataya sa una niyang laban bilang welterweight, ang dibisyong pinagtuunan niya ng pansin sa nakalipas na labindalawang taon.

Tinapos ng ating idolo ang 12 taong kampanya para marating kung nasaan siya ngayon – bilang eight-division world champion noong ika-13 ng Nobyembre 2010 makaraang gulpihin si Antonio Margarito sa loob ng 12 round sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.

Matapos madispatsa si Diaz at kilalaning kauna-unahang Pilipino at Asyano na nakahawak ng korona sa 135 librang dibisyon, isinunod ni Manny si Ricky Hatton ng ­Ingaletera na pinadapa niya sa pangalawang round lamang noong Mayo 2, 2009 nang pansamantala niyang iwanan ang 147 librang dibisyon para subukan ang kanyang galing sa light-welterweight.

Sa labang Pacquiao-Hatton ay napasakamay ng ating bata ang IBO, RING at lineal light-welter plum para maging pangalawa lamang na ­boksingero sa kasaysayan ng sweet science na naghari sa anim na dibisyon.

Ito rin ang nagbigay sa kanya ng karangalang Ring Magazine “Knockout of the Year” for 2009.

Nobyembre 9, 2009 ay pinasuko naman ng Pambansang Kamao si Miguel Cotto ng Puerto Rico para pagharian din ang 147 librang dibisyon at magpabalik-balik dito ng tatlong beses. (Abangan ang Karugtong)

 

233

Related posts

Leave a Comment