Sa Bulacan Juvenile Center 95 COVID-19 POSITIVE NAKAREKOBER NA

NAKAREKOBER na mula sa coronavirus disease 2019 ang 95 katao na pawang “children in conflict with the law” (CICL) at mga kawani at jail guards ng Juvenile Center o ang Bahay Tanglaw Pag-asa (BTP) sa Bulacan matapos makumpleto ang 21-day quarantine.

Ayon kay Dr. Hjordis Marushka Celis, provincial health officer II at hepe ng Bulacan Medical Center (BMC), kabilang dito ang 80 youth inmates o CICL, siyam na Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) workers at anim na jail guards.

Kinumpirma rin ito ni Ret. Col. Marcos Rivero, head ng Provincial Civil Security and Jail Management Office noong Lunes, sinabing bukod sa 21-araw ng self-isolation/quarantine ay negatibo na ang swab test ng anim na guwardiya.

Nabatid na ang juvenile reformation and correctional facility, kilala bilang Bahay Tanglaw Pag-asa na matatagpuan sa Barangay Guinhawa sa Lungsod ng Malolos, ay isinailalim sa hard lockdown makaraang magpositibo sa COVID-19 ang mga kabataang preso na sinasabing nahawa sa PSWDO staff member dito na unang nagpositibo sa nasabing virus noong Marso 26.

Ang Bahay Tanglaw Pag-asa ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng PSWDO na mayroong 100 CICL na nakadetine na pawang may kasong rape, robbery at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Samantala, patuloy na pinapaalalahan ni Governor Daniel Fernando ang mga Bulakenyo na manatili na lamang sa loob ng tahanan at huwag nang lumabas kung hindi naman importante ang pupuntahan kasabay ng istriktong pagpapatupad sa minimum health standard protocols gaya ng social distancing at pagsusuot ng facemask at face shield.

Ayon sa gobernador, ang recovery rate ng Bulacan ay nananatiling mataas sa 85 percent (21,392 recoveries mula sa 25,181 verified affected ng virus sa buong probinsiya). (ELOISA SILVERIO)

237

Related posts

Leave a Comment