PINANINIWALAANG hindi nabuksan ng mag-ina ang fire exit kaya nakulong ang mga ito sa nasusunog nilang bahay sa Sta. Cruz, Manila nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, natagpuan sa pasamano ng bintana ang biktimang si Precious Prey De Leon, 6, habang ang ina naman nitong si Frencelyn Batol De Leon, 35, ay natagpuan sa hindi kalayuan sa loob ng kanilang bahay sa #2012 Elias St., Sta. Cruz, Manila.
Samantala, nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center sanhi ng 3rd degree burns, ang kanilang padre de pamilya na si Jonel Mandap, 36-anyos.
Ayon sa report ng BFP, nagsimula ang sunog bandang alas-6:13 ng umaga na umakyat sa ikalawang alarma at idineklarang fire-out dakong 6:55 ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon ng Arson Division, sa ikalawang palapag na inuupahang unit ng mag-asawang Mandap nagsimula ang sunog.
Tinangka ng mag-ina na dumaan sa bintana ngunit hindi nila nabuksan ang fire exit na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Bago ang sunog, nabatid na nakarinig ng sunod-sunod na putok sa loob ng bahay.
Tinaya ng BFP na umabot sa P100,000 ang halaga ng napinsalang mga ari-arian sa nasabing sunog na inaalam pa ang posibleng naging sanhi. (RENE CRISOSTOMO)
178
