NAPAKAINIT na isyu sa kasalukuyan ang pagpasok, pag-iikot at pagtambay ng mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS).
At tila hindi naman literal na tahimik ang pamahalaan ng Pilipinas hinggil sa ginagawa ng China.
Nagsalita na si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. laban sa mga barko ng China na walang takot na pumasok sa WPS.
Maliban diyan, Ilang beses nang naghain ng diplomatic protest si Locsin sa China laban sa pananatili ng mga barko nito sa Julian Felipe Reef.
Noong Marso pa nagsimulang tumambay ang mahigit 300 barko ng China sa Julian Felipe .
Ang Julian Felipe Reef ay kasama sa WPS, batay na rin sa mapa ng Pilipinas.
At ang WPS ay parte ng Pilipinas alinsunod sa mapa ng Pilipinas.
Pinagtibay ng Hague International Court ang deklarasyon ng United Nations for the Convention of the Laws of the Sea (UNCLOS) na ang WPS ay bahagi ng Pilipinas.
Pinuna na rin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagkilos ng China laban sa WPS.
Binatikos na rin nang todo ng NAGKAISA Labor Coalition ang pananatili ng mga barko ng China.
Binanatan ng NAGKAISA ang panghihimasok ng China sa WPS dahil hindi nagustuhan ng mga lider – manggagawa ang ginagawa ng naturang dayuhan sa mga mangingisdang Filipino.
Pokaragat na ‘yan!
Ang pinakabago sa mga kumakalaban sa China ay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ayon sa pinuno ng BFAR na si Undersecretary Eduardo Gongona: “[BFAR] condemn[s] all the possible illegal fishing there (WPS). And if there are fishermen who will be affected because of the said incident [of incursion being done by Chinese nationals], we assure [that] the government will continue to address the said incident [being done by Chinese nationals]”.
Kaso, mukhang kikilos lang ang BFAR kung makatatanggap ang ahensiyang ito ng “opisyal na reklamo” mula sa mga mangingisdang direktang apektado ng ginagawa ng mga barko ng China sa WPS.
Pokaragat na ‘yan!
Ang BFAR ay pinangangasiwaan ng Department of Agriculture (DA).
Mayroon akong sources na idiniin sa akin na alam ng mga opisyal ng BFAR na malayang nakapapasok ang mga naglalakihang barko ng China sa maraming bahagi ng WPS.
Nakikita nila ang mga malalaking commercial vessels ng Chinese nationals na malayang nakalalayag sa karagatan ng Pilipinas.
Ang matindi raw ay hindi sinisita ng mga opisyal at kawani ng BFAR ang mga nagpapatakbo ng mga barko.
At lalong hindi pinagbabawalan ng BFAR ang Chinese nationals.
Pokaragat na ‘yan!
Sa madaling salita, hindi kumikilos ang BFAR laban sa mga dayuhan, banggit ng aking sources.
Ang madalas at tanging hinahabol ng BFAR, katuwang ang mga tauhan ng Philippine Navy (PN) at ng operatiba ng
Maritime Group ng Philippine National Police (PNP), ay ang mga maliliit na mangingisda.
Pokaragat na ‘yan!
Kapwa natin Filipino ang kanilang kinakalaban!
Upang matigil ang panghuhuli ng mga tauhan ng BFAR, PN at PNP – Maritime Group, nagbibigay sila ng pera bilang padulas sa mga korap na opisyal at tauhan ng nasabing mga sangay ng pamahalaan.
Pokaragat na ‘yan!
Bukod sa pera, nanghihingi rin sila ng mga isda sa bawat paglaot ng mga mangingisda.
Humihingi rin kapag magdiriwang ng kaarawan ang mga opisyal.
Pokaragat na ‘yan!
Ikinabubuwisit nang husto ng mga mangingisda ang sobra-sobrang pangingikil ng ilang ‘super korap’ na mga opisyal ng BFAR, Maritime Group ng PNP at maging ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ipinaliwanag ni Gongona sa media na ang WPS ay “important fishing ground for Filipino fishermen. It should be enriched and protected against any act, which will destroy this natural resource”.
Batay sa rekord ng BFAR, libu-libong metriko – toneladang isda ang nahuhuli ng mga mangingisdang Filipino mula sa malawak na bahagi ng WPS.
Noong 2020, umabot sa 324,312 metriko – toneladang isda ang galing sa WPS.
Ito ay 7.26 porsiyento ng kabuuang nakukuha ng mga mangingisda sa lahat ng karagatang pag-aari ng Pilipinas.
Inamin ni Gongona na suportado ng BFAR ang posisyon ng DFA at ng National Task Force on WPS (NTF – WPS) laban sa pag-ikot at pagtambay ng mga barko ng China saan mang bahagi ng WPS.
Ipinunto ni Gongona sa media na handang kumilos ang BFAR laban sa mga barko ng China.
Kung totoo ang pahayag ni Gongona, kayang – kaya niyang pamunuan ang BFAR kung gugustuhin niya.
Maaaring humingi ng suporta sa PN, sa PNP – Maritime Group at PCG, tulad ng ginagawa ng mga opisyal ng BFAR – Region 1 na lumalapit sa PN upang hulihin ang mga maliliit na mangingisdang naglalayag at nangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas.
