CHINESE DINAMPOT SA PAMAMARIL

SWAK sa selda ang isang 25-anyos na Chinese national makaraang walang habas na nagpaputok ng baril sa harap ng isang condominium sa Malate, Manila nitong Martes ng madaling araw.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (illegal possession of firearms and ammunition) at alarm and scandal ang suspek na si Wang Shuangyi, nanunuluyan sa #1315 Masangkay St., Binondo, Manila.

Batay sa ulat ng Manila Police District-Malate Police Station 9, bandang alas-12:02 ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa harap ng Admiral Bay Suites Condominium sa panulukan ng M.H. Del Pilar at Aldecoa streets sa Malate.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, itinawag ng isang Wilbert Villamor, security guard, na may bumugbog kay Swangyi na apat nitong kababayan.

Bunsod nito, rumesbak ang suspek at pinagbabaril ang mga kapwa Chinese national ngunit walang tinamaan.

Nang dumating ang mga pulis, sumakay ang suspek sa isang BMW Sedan (WQL-678) na naka-park sa ‘di kalayuan ng condo sa Service Road ng Roxas Boulevard at pinaharurot palayo ang sasakyan.

Hinabol ito ng mga awtoridad na lulan ng mobile car, hanggang sa makorner sa Sta. Monica St. Sa Ermita.

Maging ang dalawa nitong nakaaway ay dinala sa nasabing himpilan ng pulisya ngunit bigo ang mga pulis na makausap dahil kapwa hindi marunong magsalita ng English. (RENE CRISOSTOMO)

182

Related posts

Leave a Comment