APAT na babaeng kadete ang pasok sa top 10 ng Philippine Military Academy (PMA) class of 2021.
Isa sa mga ito si Cadet 1st Class Valerie May Dicang mula sa La Trinidad, Benguet na ikatlo sa highest ranking graduate ng Masaligan Class at tinanghal na magna cum laude.
Pangungunahan ang may 164 bagong junior officers ng Armed Forces of the Philippines ng 25-anyos na tubong Negros at nag-aral ng chemical engineering sa University of the Philippines Visayas na siyang tinanghal na summa cum laude.
Pinangalanan kamakawa ng PMA ang kanilang Top Performing Cadets of PMA “MASALIGAN” Class of 2021 sa isinagawang “Kapihan sa PMA” sa Longayban Hall, PMA, Fort del Pilar, Baguio City na dinaluhan nina Lt. Gen. Ferdinand M. Cartujano, PAF PMA Superintendent at iba pang PMA top key officials na napanood din nang live sa PMA Official Facebook Page.
Ang class valedictorian na si Cadet 1st Class Janrey Artus, tubong San Enrique, Negros Occidental, ay napiling sumanib sa Philippine Navy.
Nabatid kay Major Chin Calima, tagapagsalita ng PMA, 82 sa mga magsisipagtapos ang papasok sa Philippine Army, 46 naman ang Midshipmen at 36 ang Aero Cadets o napiling pumasok sa Phil. Air Force matapos ang kanilang Commencement Exercises sa darating na Mayo 10, 2021 at magsisilbing mga bagong Lieutenants/Ensigns sa kani-kanilang mga napiling major services ng AFP.
Ang PMA “MASALIGAN” (MAndirigmang SAmahan na Lakas at SandIGAN ng Bayan) Class of 2021 ay binubuo ng 138 lalaki at 26 babaeng kadete.
Anim na babae pa lamang ang nag-top sa kanilang graduating class simula nang tumanggap ng babaeng kadete ang PMA nuong 1993.
Pinakahuli rito si Cadet 1st Class Gemalyn Deocares Sugui na tinanghal na valedictorian ng PMA Masidlawin Class of 2020. (JESSE KABEL)
512
