MAG-ASAWA PATAY SA AKYAT-BAHAY

AKLAN – Nasa early state of decomposition na ang bangkay ng mag-asawa nang madiskubre sa kanilang bahay sa Barangay Cabayugan, sa bayan ng Malinao, sa lalawigang ito, noong Martes ng umaga.

Sa isinumiteng ulat ng Aklan PNP, kinilala ang mga biktimang sina George Cabawatan, 64, at Lucille Cabawatan, 56, hinihinalang namatay sa palo ng matigas na bagay base sa nakitang mga sugat sa ulo at katawan ng mga ito.

Tinungo ng mga tauhan ng Malinao Municipal Police ang bahay ng mga biktima makaraang iparating sa kanila ang umaalingasaw na amoy mula rito.

Hinihinalang pagnanakaw ang isa sa mga motibo ng hindi pa kilalang mga suspek sa pagpatay sa mga biktima.

Nadiskubre ang bangkay ng mag-asawa makaraang ilang araw na hindi nakitang lumabas ng kanilang bahay.

Napag-alaman na walang ibang kasama sa bahay ang mag-asawa dahil sa Metro Manila na nakatira ang nag-iisang anak ng mga ito.

Nabatid na may nawawalang mga gamit sa bahay ng mga biktima ayon sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO).

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga pulis kaugnay sa pagkakakilanlan ng suspek o mga suspek habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng SOCO. (JESSE KABEL)

391

Related posts

Leave a Comment