SINASABING isang “asset” ng mga pulis ang “pinatahimik” ng umano’y hitman ng tulak ng ilegal na droga, makaraang pagbabarilin sa Malate, Manila noong Miyerkoles ng hapon.
Kinilala ang biktimang si Abraham Damil, 30, kaanib ng Commando Gang at residente sa 1254-A Gonzalo St., Malate.
Samantala, ang mag-isang gunman na nakasuot ng gray jacket, short pants, ballcap at face mask ay mabilis na tumakas makaraan ang pamamaril.
Batay sa ulat ni Det. Dennis Suba, ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-4:40 ng hapon nang mangyari ang pamamaril sa panulukan ng C. Tuazon at San Andres streets sa Malate.
Sakay ng bisekleta ang biktima na noon ay bibili ng pagkain ngunit pagsapit sa lugar ay sumulpot ang suspek na nag-aabang sa likurang bahagi ng jeep at pinagbabaril si Damil.
Napag-alaman, ang biktima umano ay nasa drug watchlist ng Barangay ngunit sinasabing “asset” din ito ng mga pulis. (RENE CRISOSTOMO)
715 