LAGUNA – Tinangay ng ilang kalalakihan ang P1.2 milyong halaga ng benta ng sigarilyo makaraang holdapin ang isang delivery van sa Calamba City.
Dumulog sa Calamba Police Station ang mga biktimang sina Angelo Panen, 27, driver, at Dondee Silva, retail salesman bandang alas-7:40 noong Huwebes ng gabi.
Ayon sa salaysay ng dalawang biktima, habang nag-aayos sila ng mga karton ng sigarilyo sa likod ng Mitsubishi close van nang biglang lumapit ang ilang kalalakihan at tinutukan sila ng baril.
Inutusan ng mga suspek ang mga biktima na sumakay sa delivery van at dinala sila sa parking lot ng isang supermarket sa Brgy. Parian at pagkaraan ay mabilis na umalis palayo sa lugar ang mga holdaper.
Nang hanapin nina Panen at Silva ang vault sa loob ng van ay hindi na ito natagpuan.
Nasa loob umano ng nasabing vault ang halagang P1.2 milyong benta ng sigarilyo.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at inaalam kung posibleng inside job ang nangyari. (CYRILL QUILO)
279
