TARGET ng gobyerno na magkaroon ng herd immunity pagdating ng Nobyembre ngayong taon kaya dapat paspasan ang pagbabakuna pero sa situwasyon ngayon mukha may kalabuan pa.
Limitado pa rin ang dating ng mga bakuna dahil hindi agad pumila ang mga responsableng opisyales ng gobyerno sa mga drug manufacturers para magkaroon agad tayo ng bakuna.
Katuwiran nila nakopo agad ng mga mayayamang bansa ang mga bakuna at 20% lang ang natitirang supply na pinag-aagawan pa raw ng mga maliliit na bansa tulad ng Pilipinas.
Kaya nakopo ng mga mayayamang bansa ang 80% sa bakuna ay dahil agad silang pumila, pumirma ng kontrata at saka nagbigay na downpayment bagay na hindi natin ginawa kaya ano pang asahan mo, eh di asa na lang tayo sa awa.
Pero darating na raw sa mga susunod na buwan ang milyon-milyong bakuna at kumpiyansa ang gobyerno na magkakaroon tayo ng herd immunity sa susunod na anim na buwan.
Sana, dahil kung hindi ay hindi magiging fair ang election sa 2022 dahil sa ngayon, tanging ang mga pumupormang kandidato ng administrasyon ang nakakaikot at nagpapa-rally sa iba’t ibang bansa.
Puwede nilang sabihin na “hindi rally” ang ginagawa nila kundi naghahatid lang sila ng tulong sa mga tao pero ‘rally’ pa rin yan kapag iniipon mo ang mga tao sa isang gymnasium at nakabalandra sa harap ang naglalakihang larawan at pangalan nila.
Hindi sila nasisita ng mga responsableng ahensya ng gobyerno. Bakit mo nga naman sisitahin ang amo di ba? Sino ang maglalakas loob na manita nga naman eh bitbit nila ang programa ng gobyerno
Kaya kapag hindi nakamit ang herd immunity sa Nobyembre, wala dehado ang lahat ng kalaban ng gobyerno sa susunod na eleksyon dahil tiyak na ibabawal ang mga pagtitipon dahil malakas pa rin ang pananalasa ng COVID-19 sa bansa.
Sila lang ang puwedeng umikot at sasabihin sa atin na ginagawa nila yun dahil maghahatid sila ng serbisyo na kailangan ng mga tao lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Lalong malabo ang mga pagtitipon dahil sa karanasan ng India na sa gitna ng pandemya, ay nagkaroon sila ng mga political rallies na sinabayanan pa ng mga religious gatherings.
Ang epekto, lumala ang pandemya sa India. Araw-araw ay libo-libo ang namamatay at hindi bababa sa 300,000 ang nagkakasakit araw-araw kaya bagsak ang kanilang health system.
Puwedeng ikatuwiran ng gobyerno lalo na ang Commision on Elections (Comelec) ang karanasan ng India para ipagbawal ang mga personal na pangangampanya at political rallies simula sa Pebrero 2022.
Yan ay kung hindi makakamit ang herd immunity pagdating ng Nobyembre na ipinangako sa atin ng gobyerno lalo na ang Inter-Agency Task Force (IATF). Dapat bilisan ang pagbabakuna kapag dumating na ang mga bakunang binili.
Kailangan maging fair ang election sa susunod na taon. Bigyan ng pagkakataon ang lahat ng kandidato dahil maraming dapat baguhin sa nangyayari ngayon sa ating bansa.
146
