UMABOT sa 114 Navoteño ang nakatapos ng sari-saring technical at vocational courses sa Navotas Vocational Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute.
Sa nasabing bilang ay 36 ang nagtapos ng Japanese Language and Culture I habang 12 ang nagtapos ng Japanese Language and Culture II program. Labinglima naman sa graduates ang nagtapos ng Korean Language and Culture I.
Samantala, 16 trainees ang nagtapos at nakatanggap ng national certification (NC) II para sa housekeeping, 15 para sa food and beverages services, at 20 naman para sa pagiging barista.
Binati ni Mayor Toby Tiangco ang graduates at hinimok na gamitin ang kanilang mga nakamit na kaalaman para maghanap o magsimula ng oportunidad na pangkabuhayan.
“It may take a while before we can go back to normal and regain the economic stability we once enjoyed. Nevertheless, you must continue to create the life you want for yourself and your loved ones. Take advantage of the skills you have gained to help your family surpass these trying times,” ani Tiangco.
Ang Navotas ay mayroong apat na training centers na bukas para sa trainees na Navoteño at hindi Navoteño. Ang mga residente ay maaaring mag-aral nang libre habang ang mga hindi residente ay maaaring mag-enroll at kumuha ng assessment exam nang may bayad, depende sa gustong kurso.
Patuloy ang enrolment para sa kursong Beauty Care NC II, Hairdressing NC II, Massage Therapy NC II, Food and Beverages Services NC II, Barista NC II, Cookery NC II, Bread and Pastry Production NC II, at Food processing NC II. Maaari ring magpatala para sa Tailoring NC II, Dressmaking NC II, Japanese Language and Culture I and Korean Language and Culture I.
Kamakailan ay binuksan ng Navotas sa pamamagitan ng TESDA-NAVOTAAS Training Center, ang unang assessment facility para sa Domestic Work NC II sa Metro Manila. (ALAIN AJERO)
166
